Rebulto ni Rizal sa Madrid, binaboy

Sinabuyan ng pulang pintura at sinulatan ng katagang “Mason de mierda” (Mason shit) ang monumento ng pambansang bayani na si Jose Rizal sa Madrid.

Ito ang nakita ni Augustinian Recollect brother Jaazeal Jakosalem, property administrator ng University of Negros Occidental-Recoletos, nang bumisita siya sa nasabing siyudad sa Espanya kamakailan lamang.

Hinimok ni Jakosalem ang embahada ng Pilipinas sa Espanya na gumawa ng paraan upang mapangalagaan ang rebulto.

Ani Jakosalem,  isang paglapastangan ang ginawang pambababoy sa monumento ng bayani. Dinagdagag pa niya na kahit isang Mason si Rizal ay hindi kailanman nawala ang pananampalataya nito bilang isang Kristiyano.

Ang Roman Catholic Church ang isa sa mga pangunahing kritiko ng Freemasonry, isang uri ng kapatiran na sinimulan noong 16th century. Ayon sa Simbahan, ang mga doktrinang itinuturo sa Masonry ay di naaayon sa doktrinang Katoliko sapagkat naaayon ito sa tinatawag na naturalistic deistic religion.

Deism ang tawag sa isang pilosopiya ng relihiyon na nainiwalang makikilala ng isang tao ang Lumikha sa pamamagitan ng katwiran at pagsusuri sa natural world na di na kailangan pang pumaloob sa isang relihiyosong organisasyon.

Samantala, umaasa si Jakosalem sa agarang pagkilos sa panig ng mga opisyal ng embahada upang hind maging busabos ang mga Pilipino sa paningin ng ibang bansa katulad ng ibinigay na bansag sa Filipino overseas workers na “dakilang alipin” o mga katulong. (dagdag na ulat mula kay Johnny F. Arasga)

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply