Sa Korea, kahit ‘di pa napipisa ang itlog, dapat magbilang na ng sisiw

DAPAT na maging maagap ang mga onorabol ukol sa nagaganap sa Korea.

Huwag nilang antayin ang mga nasa South Korea na magdeklara ng state of national emergency bago sila mag-isip at kumilos nang todo.

Ang utak nila dapat ay sa worst scenario kung tawagin, kung biglang magkagiyera roon.

Eh hindi biro-biro ang pagkanyon ng North Korea sa isang isla na pinag-aagawan sa pagitan nito at ng South Korea.

Tingnan ninyo, apat ang namatay nang sumabog ang mga bala ng kanyon at magkasunog-sunog ang mga kabahayan at kampo ng militar doon.

Sa ngayon, medyo pakwitis-kwitis lang ang North Korea habang may military exercise ang South Korea at ni Uncle Sam.

Eh kung matapos ang praktis militar na yan at aalis si Uncle Sam sa lugar at magkaroon ulit ng labanan, ano ang gagawin, huh?

oOo

Sabi ng lolo ko, huwag munang magbilang ng sisiw habang hindi pa napipisa ang itlog. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon muna ng katiyakan sa isang bagay bago kumilos ang isang tao.

Sa pagtingin natin, ito ang ginagawa ng mga onorabol kaugnay ng nasa 60,000 overseas Filipino workers sa South Korea.

Sabi ng mga onorabol, saka na lang sila kikilos para sa ebakwesyon sa oras na magdeklara ang South Korea ng state of emergency.

Tama kaya ito?

Maaaring tama.

Kaya lang, pagkakataon nang pairalin ang iba pang paniniwala, lalo na kung buhay na ni Juan ang nakataya.

Por eksampol ang pagpigil sa pagtungo ng mga OFW na pumunta ng South Korea sa mga araw na ito.

Naaayon ito sa paniniwalang talo ng maagap ang masipag.

Aanhin mo pa kasi ang pagiging masipag kung wala ka nang makakalap na kahit anong bagay?

Aanhin mo nga ang kabayo kung wala nang damo?

Mas mabuti ngang iligtas muna ang mga OFW na narito pa sa repablik ni Juan bago sila mapahamak.

Paano naman ito isasagawa ng mga nasa South Korea ngayon, huh?

Siguro pinakamagandang gawin ng mga onorabol ang magbilang na ng sisiw ngayon pa lang bago mapisa ang itlog o magkagiyera.

Wataymen, kailangan nang tiyakin na meron talagang mga barko, eroplano o anomang sasakyan na panligtas sa mga OFW sakaling magkagiyera roon.

Kung may eroplano, ilan ang kailangan?

May nakahanda na bang cash na pambayad sa mga ito?

Kung walang eroplano, kailangan dito ang 25 na malalaking barko na pupuwedeng magkarga ng nasa 2,000 katao bawat isa.

Kinakailangan nang magkaroon ng deploymen ng mga tao at opisyal ng pamahalaan para pangasiwaan ang mas ebakwesyon.

Ang lahat ng OFW ay dapat nang may instruksyon at praktis kung ano ang kanilang mga gagawin sa mga oras
na ito.

Hindi lang ang mga lider ng mga OFW ang dapat na mabigyan ng mga instruksyon at praktis kundi ang lahat.

Hindi dapat maulit ang nagkandaletse-letseng mas ebakwesyon na naganap noon sa Lebanon. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply