Si Randy Makiputin at mga OFW sa Korea

MUNTIK na namang malagasan ang ating hanay nang ambusin ng dalawang riding in tandem sa motorsiklo ang isang radio broadcaster sa lalawigan ng Bukidnon.

Bagama’t tinamaan sa bahaging ulo si kasamang Randy Makiputin, ng Radyo Abante, agad namang naisugod sa isang ospital at idineklara siyang ligtas sa kamatayan makaraan ang maingat na panggagamot ng mga doktor sa kanya.

Salamat sa mga nagmalasakit at nagsugod kay Randy sa ospital at sa mga doktor na nag-asikaso at gumamot sa kanya.

Alas 7:00 ng gabi noong Biyernes nang ambusin si Randy, sa bayan ng Maramag sa Bukidnon. Dahil sa dilim ng gabi sa daan at paggamit ng motorsiklo, nakatakas ang mga kriminal.

Magkagayunman, hindi dapat maging sagabal ang mga nasabing sitwasyon sa trabaho ng pulisya at iba pang kinauukulan upang makilala at maisilid sa mga kulungang bakal ang mga may sala.

Wala pang malinaw na dahilan ng bigong pamamaslang kay Randy pero ang pamamaril sa kanya ay sapat nang batayan upang kumilos ang mga kinauukulan na panagutin sa batas ang mga kriminal.

Hindi natin hahayaan na basta na lang ubusin ng mga mamamatay-tao ang hanay ng mediamen. Kailangan na ang mga pumapatay sa mediamen ang makulong at mapatawan ng mga kaukulang parusa.

oOo

Iniulat mismo ng maraming overseas Filipino worker sa Korea na kinakabahan talaga sila sa nagaganap na tensyon sa pagitan ng South at North Korea. Hindi malinaw ang kalagayan nila sakaling magkaroon talaga ng bombahan sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa mga gustong makaligtas kaagad sa bomba, pag-asa nila sana ang makatakbo sa mga bomb shelter. Pero sa salitang Koreano nakasaad ang impormasyon kung nasaan ang mga ito at hindi maintindihan ng mga OFW.

Lumalabas na Koreans first, OFW o foreigners later ang patakaran.

Naiintindihan natin yan dahil normal na pinangangalagaan muna ng isang bansa ang kanilang sariling mamamayan.

O kayong mga opisyal ng gobyerno na sumusubaybay at nagsasabing kaya ninyong iligtas ang mga OFW, makinig kayo mismo sa mga OFW bago kayo gumawa ng inyong mga programa para hindi kayo sumablay.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply