Silver cleaner na may cyanide, hindi rehistrado at walang tatak bawal na

Sa bisa ng Joint Advisory na inilabas ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR) ay ipinagbabawal na ang pagtitinda ng panglinis ng alahas na pilak o silver jewelry cleaner na may sangkap na cyanide at iba pang mapanganib na kemikal.

Sa  kautusang pirmado nina  Kalihim Enrique Ona ng DOH at Kalihim Ramon Paje ng DENR ay idineklara ng pamahalaan na banta sa kalusugan at kaligtasan ang mga naturang silver cleaner kung kaya’t idiniin pa ang pagbabawal sa pagtitinda ng mga ito sa merkado.

Bawal na rin ang pagbebenta ng mga produktong silver cleaner na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) at hindi nagtataglay ng kaukulang tatak na magbibigay sa mamimili ng mga kinakailangang impormasyon gaya ng mga taglay na sangkap.

Binalaan nina Ona at Paje ang mga tindahan ng alahas at iba pang mga retail outlet, pati mga pagala-gala o palakad-lakad na mga tindero (ambulant vendor), laban sa pagtitinda at/o pagbibigay ng mga ipinagbabawal na produkto.

Ang sinumang lalabag ay maaaring patawan ng kaparusahan ayon sa itinatakda ng DOH-FDA A.O. 312 (PD 881) hinggil sa Household Hazardous Substances, at gayundin sa DENR A.O. 97-39 ng Republic Act 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Act.

Itinagubilin rin ng DOH at DENR sa publiko na tumawag sa DOH-FDA (telepono bilang 8078275) para sa impormasyon na makakatulong upang
madakip ang mga taong nag-aangkat, gumagawa, namamahagi at nagtitinda ng mga ipinagbabawal na produktong silver cleaner na walang wastong pagpapatala at tanda.

Dahil sa posibleng may cyanide at iba pang mapanganib na sangkap ang mga silver cleaner na hindi rehistrado at walang tatak, ipinag-utos rin ng DOH at DENR sa mga mayroon ang pagsuko ng mga ito sa pinakalamalapit na tanggapan ng DOH-FDA, DENR-EMB o sa kanilang mga pangrehiyong opisina.

Toksiko ang cyanide hindi lang sa tao kundi pati na rin sa mga isda at iba pang lamang dagat kung kaya’t napakahalaga na mahadlangan ang pagtatapon ng mga ipinagbabawal na silver cleaner sa lababo, kanal, lagusang tubig at maski sa mga dumpsite o landfill.

Ayon sa datos na nakuha ng EcoWaste Coalition sa UP National Poison Management and Control Center (UPNPMCC) ay 11 Pilipino ang namatay (3 matatanda at 8 mga bata) ang namatay dahil sa pagkalason sa silver cleaner.  Mula Enero hanggang Setyembre 2010 ay 11 na rin ang namatay (6 matatanda at 5 mga bata).

Nakababahala rin ang datos mula sa UPNPMCC na nagsasaad na tumaas sa 86% nitong 2009 mula 7% noong 2005 ang  bilang ng mga sinadyang pag-inom ng silver cleaner upang magpatiwakal.

Sa pinagsamang pagbabawal ng DOH at DENR sa mga silver cleaner na may cyanide, hindi rehistrado at walang tatak ay posibleng matuldukan na ang walang saysay na pagkapinsala at pagkamatay dahil sa lasong silver cleaner.

Subalit hindi sapat na maglabas lamang ng kautusan.  Kung walang kongkretong plano para sa epektibong pagpapatupad nito ay hindi magkakaroon ng kalutasan ang aksidente at hindi aksidenteng pagkalason sa silver cleaner.

Kailangang maipalaganap ang kautusan.  Kailangang magmatyag sa merkado.  Kailangan ang tuloy-tuloy na operasyon, kasama ang kapulisan, para masukol ang mga lumalabag.  Kailangang may kasuhan sa korte at maparusahan.  Kailangang makamit ang katarungan.

Isunod nawa ng DOH at DENR ang pagpapatupad ng “Oplan Silver Cleaner” upang tuluyang matapos ang mga kalunos-lunos na balita ng pagkakalason dahil sa toksikong produktong ito. Manny C. Calonzo

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply