Special court para sa maguindanao masaker at live coverage

KAILAN makakamit ng mga biktima ng Maguindanao masaker ang hustisya?

Ito ang malaking katanungan kaugnay ng kaso na nag-ugat sa brutal na pagpaslang sa 58 katao, kabilang na ang nasa 32 mediamen.

Sa pagtaya ng National Press Club sa pamumuno ni Pangulong Jerry Yap at ng Alyansa ng Filipinong Mamamahayag ni Pangulong Benny Antiporda, nakalilimang porsiyento pa lang ang hukuman sa paglilitis nito.

Mangilan-ngilan pa lamang kasi ang nasasampahan ng kaso sa nasa 200 suspek, kabilang ang mag-amang dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. at Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.

Yung iba ay hinihimay-himay pa ang partisipasyon sa krimen kung prinsipal, accomplice o accessory at marami sa mga ito ang hindi pa nasasampahan ng kaso at naa-arraign para masaklaw na sana ng kapangyarihan ng hukuman at malitis.

oOo

Kung inabot ng lilimang porsiyento sa loob ng isang taon ang kaso na nasa unang anibersaryo ngayon at kung magpapatuloy ang masahol pa sa usad-pagong na paglalakad nito, aabot ng 20 taon ito sa regional trial court lamang.

Eh kung aabutin din ng 10-20 taon ang Korte Suprema na magdesisyon dito, 40 taon ang hihintayin ng mga biktima bago nila makamit ang katarungan.

Yan ay kung magiging pabor sa kanila ang mga huwes at Hukom.

Alam naman ninyo ang hustisya, Suki, na kung minsan ay pasirko-sirko depende sa sitwasyon.

Nakatatakot ngang isipin na baka magiging weder-weder lang ang pagdedesisyon sa kaso.

Ang masama pa, baka sumawsaw ang susunod na Presidente at biglang patawarin ang mga mapatutunayang nagkasala.

Kaya naman, pabor tayo sa paglilikha ng Special Court para lang sa kasong ito para mapabilis ang pagkamit ng mga biktima ng katarungan.

O kayo riyan, Mang Atong Corona, jastis deleyd is jastis denayd.

oOo

Isa pang usapin, Suki, ang kahilingan para sa live coverage.

Bawal ang pagkakaroon ng telebisyon, radyo at may kamera sa loob ng court room habang isinasagawa ang paglilitis.

Kaya naman, makapapasok lang ang lahat ng mga batang media kung bolpen at papel lang ang kanilang dala-dala sa pagrerekord ng mga nagagaganap.

Yung mga malalakas ang loob, yung selpon na may kamera na lang ang pinagtitiyagaang isyut.

Ayon sa Korte Suprema, bawal ang live coverage.

Kabilang sa mga iniiwasan ng Hukuman ang pagkakaroon ng impluwensiya ng pablik opinyon sa utak ng huwes sa regional trial court sa paggawa ng desisyon.

Ayaw ding magkaroon ng trial by publicity at kung sino ang higit na may hawak sa media ay maaari na siya ang mamayani.

Kaya nga ang live coverage ay bawal. Peryud.

Pero alalahanin, Suki, na interes ng buong bayan ang pinag-uusapan.

Halimbawang hindi naman nakasisira sa seguridad ng bansa ang live coverage, bakit naman ipagbabawal, huh?

Kung binubuksan ng Senado ang sarili nito sa lahat ng mga pag-uusig nito sa mga malalaking kaso, hindi masamang gawin din ito ng Korte Suprema.

Ang labis na pagtatago ng pambansang usapin sa mata ni Juan ay higit na nakasa-sama kaysa nakabubuti. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply