STL ng PCSO, resibuhan o kanselahin na lang?

DEKLARADONG lugi ang Small Town Lottery ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa jueteng.

Ito ang paulit-ulit na sinasabi sa naglalabasang mga report dahil gamit ng mga jueteng lords ang STL bilang “camouflage” o “”front” sa kanilang operasyon lalo na sa mga probinsiya na kilalang malakas ang kita sa jueteng.

Sa kasalukuyan, may 22 STL agents  ang PCSO na naka-base sa iba’t ibang lalawigan. Ang mga STL agents ay binubuo ng mga kumpanya na karamihan ay pag-aari ng mga kilalang jueteng lords o dili kaya’y “dummy” ng mga gambling lords.

Maliit ang kita o lugi ang PCSO mula sa nire-remit ng karamihan sa mga STL agents na ito.

Sa isang report, may P9-bilyong ang hinihinalang lugi ng PCSO mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito. Sa kabuuang taon, maaaring umabot sa halagang P20 bilyon ang pagkalugi ng PCSO habang kumikita ang mga jueteng lords ng P30 bilyon kada taon bago pa man gamitin bilang “front” ang STL.

Katulad na lamang halimbawa sa mga lalawigan ng Batangas, Nueva Ecija, Bataan, Bulacan at Pampanga, sinabi sa report na mula tatlo hanggang pitong porsiyento lang mula sa buwanang kita ng mga STL agents ang napupunta sa kaban ng bayan bilang share o bahagi nito.

Saan napunta ang ilan pa sa kinita ng STL agents mula sa mga mananaya?

Kalokohang sabihin na hindi napunta sa mga jueteng lords.

Bakit? Ang mga lalawigang ito ay ilan lang sa mga probinsiya na kilalang malakas na pagkakitaan ng jueteng. Tatlong beses din ang bola ng STL katulad ng sa jueteng.

Hindi ito puwedeng itago ng PCSO sa publiko.

Kung bakit nagkakaganito ay malamang na tama ang akusasyon sa privilege speech noon ni Senator Miriam Defensor-Santiago na maraming opisyal ng PCSO ang kasabwat ng mga jueteng lords na gumagamit ng STL.

Binuo ng gobyerno ang STL noong 2006 upang labanan ang jueteng. Pero lumalabas na taliwas na ito ngayon sa tunay na layunin. Wala ng pangil ang STL kontra sa jueteng!

Isa sa nakikitang problema ng STL ay walang opisyal na resibo ito na ibinibigay sa mga mananaya hindi katulad ng sa lotto.

Puwedeng gawin ito kahit pa sabihing babaybayin bawat bahay ang pagpapataya.

Sa pamamagitan ng official receipt na ibibigay sa mga mananaya matutumbok ng gobyerno ang tamang “share” na kukunin nito mula sa mga agents.

Sa ganitong paraan, maaaring maibsan ang pagkalugi ng gobyerno at tuluyan nang  ma-kontrol ang jueteng!

* * * * * * * *

Isang nagngangalang Ed Manugue ng People Power Volunteers for Reform (PPVR) na naka-base sa Pampanga, ang nagpadala ng e-mail message sa atin kamakailan upang ihayag na tuloy-tuloy pa rin daw ang operasyon ng jueteng sa nasabing lalawigan, partikular sa San Fernando – ang mismong kapitolyo nito.

Sa katunayan, ibinigay sa atin ni Ginoong Manugue ang mga resulta ng jueteng mula sa tatlong bolahan nito na ginanap noong Oktubre 28 hanggang 30!

Ano na ba ang nangyayari sa “One-Strike” policy ni PNP chief General Raul Bacalzo? Drawing lang nga ba ito tulad ng sinasabi ng maraming gambling lords dahil dati na nilang “suki” umano itong si general?

Nais din gisingin ni Ginoong Manugue itong si DILG Secretary Jesse Robredo na baka raw natutulog na sa pansitan ng jueteng lords! He, he, he!

Sa totoo lang, hindi lang Pampanga ang may jueteng kundi halos buong probinsiya ng bansa gamit ang STL!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply