Sumilip ng mahalagang leksyon sa shortage ng gas

SINO ang may sabing walang shortage ng petrolyo o gas sa Metro Manila?

Eh kung isama ang mga lalawigan na apektado ng problema sa suplay ng Shell at Chevron, talaga bang walang kakulangan ng petrolyo?

Nakakikita tayo kasi, mga Bro, ng mga istasyon ng Shell at Chevron sa Rizal, Bulacan at Pampanga na may paalaalang wala silang gasolina at diesel lang ang meron.

Meron na ring nagsara sa mga ito dahil wala talaga silang suplay kahit ano.

Medyo alanganin tayo, mga Bro, sa pinagsasabi ng mga awtoridad na walang shortage.

Kasi gusto mo man ang magpakarga ng gasolina o diesel sa mga istasyon ng Shell at Chevron, marami naman ang walang suplay.

Eh paano ang pagpunta at pagpapakarga ng mga motorista sa iba pang mga istasyon na kaiba sa Shell at Chevron? Hindi ba mauubusan ang mga ito ng suplay?

Matutunan mo tuloy ang magdala ng extra na galon na may karga para kung maubusan ka sa daan ay may maaasahan kang pampaandar ng iyong sasakyan.

Nakaaalangan ang maubusan ka sa gabi sa mga ilang na lugar sa dami ng mga animal na karnaper at holdaper na gumagala ngayon.

oOo

Sa kabilang banda, may leksyon naman na malaki sa pangyayari.

Naaalaala ko kasi na itong dalawang kompanyang ito ang kabilang sa malimit mabilis na magdeklara ng oil price hike.

Itong Shell naman ay kinasuhan ng malakihang oil smuggling.

Sa tuwing may banta ang pamahalaan na disiplinahin ang mga may pakana ng oil price hike at oil smuggling, kabilang ang dalawa sa nagsasabing mapaparalisa ang ekonomiya ng mahal kong Pinas kung mawawala sila.

Dito ngayon masusubukan ang katotohanan kung talagang mapaparalisa ang ekonomiya ng bansa kung hindi makapag-operate nang todo ang mga ito.

Kung patuloy na mabubuhay ang ating ekonomiya, eh, nangangahulugan na hindi dapat na magpatalo ang pamahalaan sa mga kompanya ng langis na laging nananakot sa atin.

Ang magandang gawin ngayon ng pamahalaan ay tumuklas ng iba pang mapagkukunan ng mga produktong petrolyo upang anomang kakulangan mula sa Shell at Chevron ay mapunuan.

Hindi kailangang magpatali sa mga pananakot ng mga dayuhang higanteng kompanya.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply