Sunod-sunod na mga lindol at ang mga dam

MAGKAKASUNOD na lindol ang naganap nitong nakaraang apat na araw sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Tig-isa ang tumama sa Agusan del Norte samantalang dalawa sa Kabikulan. Mahihina at hindi delikado, reaksyon ng Philippine Institute of  Vulcanology and Seismology.

Ganun ba?

oOo

Kalmado sana tayo, Suki, sa pinagsasabi ng Phivolcs.

Pero nang maalaala natin ang mga dam natin at mga bulkang sumasabog sa Indonesia, nagkaroon tayo ng kaba. Paano tayo hindi kakabahan kung posibleng may mangyayari sa ating mga dam at mga bulkan sa ating bansa kaugnay ng mga lindol?

Sa ngayon, umapaw na ang Magat dam dahil sa siyam-siyam na ulan sa rehiyon 2 kaya naman nagpakawala na ito ng tubig na lu-mulunod na sa ilang mga barangay sa ilang mga bayan sa lalawigan ng Cagayan.

Natatamaan na rin ng tubig baha ang ilan ding mababang bayan sa Isabela.

Kung ganyang katindi ang pag-ulan at pagkakaroon ng baha, marami ang rumurupok na bahagi ng kalupaan, kabundukan man o kapatagan.

Ano sa palagay ninyo ang mangyayari kung sasabay rito ang mga lindol, huh? Paano ang mga lanislayd o posibleng pagkrak ng mga dam na umaapaw ang mga lamang tubig? Nakupo!

Ang mga bundok kung gumuho ay ganun na lamang.

Libo na, Suki, ang namamatay na lahi ni Juan dahil sa mga lanislayd.

Nalilibing nang buhay sa putik o sa lupa at bato si Juan.

Por eksampol ang naganap sa St. Bernard, Leyte na kulang-kulang na 1,000 katao ang nalibing nang buhay.

Ang killer quake sa Baguio City na umabot ang bangis nito sa Central Luzon, hindi kailanman malilimutan dahil sa nasa 2,000 kataong nasawi.

Nang sabay-sabay na nagpakawala ng tubig ang apat na dam sa Pangasinan, Isabela at Bulacan nang nananalasa ang mga bagyong Ondoy at Pepeng, halos buong Luzon ang napinsala?

Paano kung dahil sa mga lindol ay may nanghihina na sa mga dam?

Eh kung bigla na lang bubulwak ang mga ito dahil sa depekto mula sa mga lindol, ano na lang ang magaganap sa buhay ni Juan?

oOo

Yung nagaganap na pagputok ng bulkang Merapi sa Indonesia ay nakakakaba rin.
Gaya ng sarili nating karanasan, nagkaroon muna ng mga lindol doon bago ang pagputok ng bulkan.

Ngayon ay hindi na lang ang Mt. Merapi kundi pati ang iba pang 21 bulkan doon ay nagsisimulang sabay-sabay na sumabog.

Paano nga kung palatandaan lang pala ang mga lindol sa atin ng posibleng pagsabog din ng mga bulkan na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas?

Ang mga lindol ay lumikha ng tsunami na ikinamatay ng daan-daang katao kamaka-ilan lang sa Indonesia.

Ano naman ang posibilidad na maganap ang tsunami sa repablik ni Juan dahil sa mga lindol?

May posibilad bang anomang araw ay tatamaan tayo ng mga higit na malalakas na lindol at ang mga sunod-sunod na lindol nitong nakaraang mga araw at linggo?

O kayo riyan sa Phivolcs, magmanman kayo sa mga lindol, dam, tsunami at iba pa. Oki?

Plis lang, huwag kayong maging kalmante sa “hina” ng mga lindol natin.

Ang maganda ay magpakalat kayo ng inyong mga tauhan para galugarin at pag-aralan lahat ng mga lugar na dinaraanan ng mga lindol sa atin ngayon. – Rey Briones

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply