Swapang sa Superhighway, 12% EVAT at petrolyo

HINDI biro-biro ang mga nakaambang pagtataas ng toll sa mga superhighway sa mahal kong Pinas.

Pahihirapan lahat ng mga operator ng North at South Luzon Expressways, Skyway, Subic-Clark-Tarlac Expressway at iba pa ang lahat ng mamamayan.

Doble, triple ang pagtataas na gusto ng SLEX habang gustong magdagdag ang NLEX, SCTEX at iba pa sa dati nang mahal nilang toll.

Kung isasama sa problema sa toll ang pamemera ng mga kompanya ng langis sa napakamamahal din nilang mga produktong petrolyo, puro hirap na talaga ang sasapitin ng mamamayan.

Eh kung isasama pa rito ang 12 porsiyentong expanded value added tax na sinisingil ng pamahalaan sa mga operator ng mga superhighway, kompanyang langis at sa mga motorista at mamamayan, sino pang mamamayan ang makahihinga nang maluwag?

Puro sama na lang ng loob ng mararamdaman nila.

Lalabas na ang mga magagandang kalsada at ang mga batayang pangangailangan ng langis at serbisyo publiko ay hindi na ginhawa ang dala-dala kundi kalbaryo na ipinapapasan at ikinahihirap ng lahat.

Ang problema, nagiging manhid at bibihira ang nakikinig sa palahaw ng bayan ukol sa kahirapan.

Siyempre pa, malinaw na walang konsiyensiya ang mga negosyante sa kalsada at di bale nang makuba sa hirap ang lahat basta’t kumita sila ng limpak-limpak na salapi sa 30 taon nilang prangkisa.

Mula sa Palasyo hanggang Kongreso naman, tila iisa ang daloy ng kanilang mga utak – ang pumabor sa mga negosyante. Dinidiyos higit ng gobyerno ang salapi ng mga negosyante kaysa ang kayamanang galing sa pawis at palad ng milyon-milyong mamamayan.

Hindi nga ba mas malaki ang binabayarang buwis ng mamamayan kaysa ng mga negosyante?

Kasama sa mga kontribusyon ng mamamayan sa ekonomiya ng bansa ang taunang $14 bilyong galing sa mga overseas Filipino worker.

Eh bakit ang mga malalaking negosyante ang higit na inaaalaala ng pamahalaan kaysa ang mamamayan?

Dahil ba sa malalaki ang pakinabang ng mga opisyal ng bayan mula sa mga kontrata at EVAT mula sa mga  negosyante at nakaw na rin na yaman mula sa mga ito?

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph – Benny Antiporda

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply