Transport strike sagot sa Number coding-PISTON

Nakatakdang ipatawag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) ang lahat ng “stakeholders” at transport groups sa isang “transport summit” upang talakayin ang ipatutupad na “number coding” sa mga pampasaherong jeep matapos na ipatupad  sa mga pampasaherong bus.

Sinabi ni MMDA spokeswoman Tina Velasco, isasagawa ang traffic management summit sa Disyembre 3 at iniimbitahan ang mga operators, opisyales ng transport groups at iba pang stakeholders para sa konsultasyon.

Isang sensitibong isyu ang “number coding scheme” sa mga pampasaherong jeep na higit na mas marami kaysa mga bus.

Ngunit kung maipatutupad ito, tiyak na mararamdaman ang pagluluwag sa mga kalsada sa buong Metro Manila.

Ayon sa MMDA, nakapaloob pa rin ang mga pampasaherong jeep sa “Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP)” base sa batas na Republic Act 7924 na lumikha sa MMDA.  Kaya tinawag na “unified” dahil pasok dito ang mga pribado at mga pampublikong sasakyan.

Sa planong pagpapatupad ng number coding sa mga jeep, nakatutok ang MMDA sa kaligtasan, pagiging kumportable, at bilis ng biyahe ng publiko.

Kahit hindi pa nakokonsulta, nagbanta naman kaagad ang militanteng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ng “transport strike” kung igigiit ng MMDA ang number coding sa kanila.

Samantala inihayag naman ng MMDA na komprehensibo at permanenteng programa para tugunan ang mabigat na daloy na trapiko sa bansa ang inaasahang tatalakayin ng MMDA para sa nakatakdang traffic management summit na gagawin sa susunod na buwan.(Johnny F. Arasga)

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply