Travel advisory ng ibang bansa laban sa Pinas dinedma ng DFA

NAGPAHAYAG kahapon ang Department of Foreign Affairs (DFA) na walang  dapat ipangamba ang Pilipinas hinggil sa paglalabas ng United Kingdom, Canada  at Australia ng kanilang travel advisory sa bansa.

Naglabas na rin ng travel warning ang Amerika laban sa Pilipinas kasunod ng advisory ng Australia at United Kingdom.

Sa kalatas ng US State Department, pinag-iingat nito ang kanilang mga kababayan sa pagtungo sa Pilipinas lalo na sa Mindanao dahil sa mataas na banta ng pag-atake ng mga terorista.

Binanggit din sa travel warning na posibleng target din ng pag-atake ang Metro Manila lalo na sa mga matataong lugar gaya ng airports, shopping malls, conference centers at iba pang pampublikong lugar.

Samantala, sa harap ng sunud-sunod na travel advisory ng ibang bansa laban sa Pilipinas, inamin naman ngayon ng Philippine Postal Corporation (Philpost) na kulang sila sa kasanayan at kagamitan para masigurong secure ang mga natatanggap nilang mga packages.

Ayon kay Postmaster-General Antonio de Guzman, walang alam sa mga explosives ang karamihan sa kanilang mga tauhan kaya mahirap sa mga ito na matukoy kung ligtas ang mga natatangap na bagahe.

Sa kasalukuyan  ay hindi gumagana ang kanilang X-ray machines kung kaya’t mano-mano ang ginagawa nilang pagsusuri sa mga bagahe.

Ginawa ni De Guzman ang pahayag kasunod ng pagkakarekober ng mga awtoridad sa England at Dubai ng mga bagahe na may lamang mga pampasabog.

Pinawi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangamba ng publiko hinggil sa travel advisories laban sa Pilipinas.

Ayon kay AFP spokesman B/Gen. Jose Mabanta, wala silang intelligence report hinggil sa anumang banta ng terorismo sa Metro Manila.

Ayon kay Mabanta, patuloy ang kanilang intelligence gathering kasunod na rin ng terror threat sa US at UK.

Dahil dito, pinaliwanag ni DFA Undersecretary Ed Malaya na walang kaugnayan ang advisory sa lumutang na isyu ng terror threat sa bansa kasunod nang nabigong pag-atake laban sa Estados Unidos.

Dagdag pa ni Malaya, pinag-iingat lamang ang mga Australian at British nationals na magtutungo sa ilang mapanganib na lugar sa Mindanao Region.

Sa kabila nito, kinilala naman ng ahensya ang positibong epekto nito dahil ginagawa nitong handa ang mga kinauukulang ahensya para matiyak ang kaligtasan ng publiko at kahanadaan ng gobyerno.

Ayon kay Tourism Secretary Alberto Lim, hindi naman nito nasikmura ang naging hakbang ng British at Australian government dahil malaki aniya itong kabawasan sa pagpunta sa bansa ng mga turista ngayong holiday season.

PANAWAGAN NG MALAKANYANG. HINIKAYAT ng Malakanyang ang publiko na maging bigilante sa banta ng terorismo sa bansa.

Sinabi ni Presidential spokesman Atty. Edwin Lacierda na bagama’t bineberipika pa nila ang isyung ito ay kailangang manatiling bigilante ang lahat.

HIndi naman aniya sila nagulat sa nasabing travel ban dahil bahagi aniya iyon ng ginagawang pag-iingat ng mga bansang nasabi sa kanilang mga kababayan na nasa Pilipinas.

“No it’s a measure on the part of embassies in case something happens,” anito.

Sinabi nito na wala namang dapat na ikapangamba ang publiko sa isyung ito lalo pa’t kontrolado naman nila ang situwasyon.

INILAGAY ng Malakanyang sa  full red alert ang AFP-NCR  kasunod ng travel advisories ng tatlong bansa laban sa Pilipinas.

PNP at AFP pinawi ang pangamba. PILIT ngayong pinapawi ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang pangambang nilikha ng pinalabas na travel advisory ng limang  bansa.
Minaliit ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ang isyu at sinabing walang terror threat  sa Pilipinas, ngunit  ganun pa man ay tiniyak nitong handa ang mga awtoridad kasunod ng  utos na   paigtingin ang pagmamanman ng mga AFP intell operatives upang matunton kung saan nagmumula ang sinasabing threat kung mayroon man.
Natural na lamang umano sa mga bansang kagaya ng UK, Australia, New Zealand maging US at Canada na magpalabas ng kani-kanilang travel advisories. “Ganon naman talaga sila e, they always issue this. ‘Hindi bale nang OA kesa magsisi ka later on.”
Tumanggi namang mag-react ang PNP sa isyu.
Ayon kay PNP spokesman, Chief Supt. Agrimero Cruz, diplomatic issue ang usapin at may mga parameters ang  nasabing mga bansa kung bakit sila nag-issue ng advisory.
Iginiit naman ni AFP spokesman Jose Mabanta, na wala namang dapat ikabahala ang mamamayan dahil wala silang intelligence report hinggil sa anumang banta ng terorismo sa Metro Manila.

Pero ayon kay Mabanta, patuloy ang kanilang intelligence gathering kasunod na rin ng terror threat sa US at UK. Johnny F. Arasga/Kris Jose/Verlin Ruiz

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply