Vilma Santos pinag-aagawan ng 3 batikang direktor

MGA batikang direktor ang nag-aagawan upang mahawakan at mapaarte si Vilma Santos sa kanilang mga pelikula.

Hindi lang isa kundi tatlong bating na direktor ang sumisingit sa matindi at siksik na siksik na iskedyul ng aktres.

Kung noon ay si Jeffrey Jeturian lang ang nagka-interest kay Vilma, ngayon ay may dalawa pa. O may pang-apat pa.

Binitiwan na ni Jeffrey,  ani Santos ang iskrip ni Armando Lao, kilala rin sa tawag na Bing Lao, dahil ang nais ni Armando ay siya na mismo ang magdirek ng kanyang sinulat na dulang pampelikula.

“Gusto ni Bing Lao, siya na ang magdirek do’n sa ipo-produce ni Atty. Joji (Alonso),” pahayag ni Vi sa kanyang kaarawan kamakailan.

***

Sosolohin na ni Bing ang proyekto dahil premyado na rin naman siyang filmmaker. Kaya susulat o magpapasulat pa si Jeturian ng kanyang bagong obra para kay Vilma.

Kunsabagay ay mga tsokaran naman ni JJ ang mahuhusay na mga scriptwriter na sina Ralston Jover na isa ring direktor, Lynda Casimiro at Boots Agbayani-Pastor o kaya naman ay kahit pa sinong mandudulang pampelikula tulad ni Chris Martinez na direktor na rin.

Atat na atat na talaga si Jeturian na mapaarte ang magaling nang Star for All Seasons.

“Tatapusin ko muna ang lahat ng mga proyekto ko sa Batangas at haharapin ko next year ang pag-aartista,” pagtatapat ni Ate Vi.

***

Binulaga naman si Santos ng isa pang mahusay na filmmaker na si Adolf Alix, Jr. sa Kapitolyo ng Lalawigan ng Batangas kamakailan.

Isinabay ng numero unong Vilmanian na si Jojo Lim si Adolf papuntang Batangas City para bumati sa kaarawan ng gobernadora at iabot ang kanyang proyektong pelikula.

“Babasahin ko pa ‘yong kay ano, ‘yong sa direktor na sino ‘yon?” pag-alala ni Vilma sa pangalan ni Alix, Jr.

Biglang-bigla’y nasambit ng peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas ang pangalang Adolf Alix, Jr.

“Si Adolf Alix,” biglang sabat ni Adobas sa aming ambush interview sa aktres.

“’Yon, si Adolf Alix. Nagpnta siya rito at iniabot sa akin ‘yong proposal. Pag-iisipan ko pa,” sabi ni Vilma.

Hindi maipinta ang kagalakan sa mukha ni Santos sa interest na ipinapakita sa kanya ng magagaling na director.

***

Sino kaya kina Bing, Adolf at JJ ang makukursunadahan ni Ate Vi? Pero may pahapyaw ang peryodistang pampelikulang si Willie Fernandez na nasa General Santos City at nagpapagaling sa kanyang karamdaman.

Masugid ring tagahanga ni Vi si Willie at marami siyang alam tungkol sa kanyang idolo dahil halos minu-minuto ay nagpapalitan silang mga Vilmanian ng mga balita tungkol sa bituin.

Ayon kay Fernandez, mukhang si Jeturian ang magwawagi sa unang paggawa muli ni Santos ng pelikula. At isusunod niya ang iba pa pagkatapos.

May nakaabang ding pelikula si Chito Roño para sa aktres.

At may gagawin din si Ate Vi sa Star Cinema katambal si Sharon Cuneta kaya naman punumpuno na naman ang kalendaryo ng pulitikang kultura ng aktres.

Ayon kay Willie, may pa-presscon ang kanyang idolo sa mga huling araw ng Nobyembre at inaabangan na ito ng mga taga-showbiz dahil sa pakikipagtalamitam sa kanila ni Vilma. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply