‘Gift bomb,’ galing sa kaanak ng nasabugan?

MALAKI ang posibilidad na “domestic misunderstanding” ang motibo sa pasabog ng iniregalong package na nagresulta sa pagkamatay ng isang babaeng negosyante kamakalawa sa Taguig City.

Kasabay nito, kumikilos na ang special task force ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para imbestigahan ang naitalang kaso ng “gift bomb.”

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na ang regalo ay mula sa isang miyembro ng pamilya ng biktima na ipinadala sa isang kamag-anak para ibigay sa isa pang pamilya”, pahayag ni NCRPO Director Supt. Nicanor Bartolome.

Ayon kay Bartolome, ilan sa kanilang tinututukan ngayon ay ang anggulong kumpetisyon sa negosyo ang ugat ng insidente.

Bagama’t limitado ang paglalabas ng impormasyon, lumutang naman ang isyung dati na umanong nakakatanggap ng banta sa kaniyang buhay ang mister ng biktima.

Natapos na ang autopsy report sa labi ni Yvonne Chua, 31, ngunit hiniling ng pamilya nito na maging pribado ang lahat ng detalye lalo’t labis pa umanong nagluluksa ang pamilya Chua.

Bukod sa crime scene, iimbestigahan na rin pati ang naghatid ng naturang regalo, lalo’t granada ang sumambulat na laman nito na hindi umano karaniwang ginagawa sa Pilipinas.

Idinagdag pa ng pulisya na apat ang natagpuang granada sa bahay ng mga Chua at hindi tatlo, kagaya ng unang lumabas na mga ulat. Isa lamang dito ang sumabog.

Namatay noon din si Chua bunga ng mga tama ng shrapnel sa iba’t ibang bahagi ng katawan niya.

Samantala, nakaligtas sa insidente ng pagsabog ang kanyang asawa na si Vinzon at pitong taong gulang na anak na lalaki.

Naganap ang insidente dakong 10:30 ng umaga sa Block 10 Lot 21 Mahogany Place-3 Barangay Bambang, Taguig City. Johnny F. Arasga

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply