‘Kuryente’ sa Twitter: PDI reporter ang lotto jackpot winner

MAY TENGA ang lupa, may pakpak ang balita. Ang ibig sabihin, mag-ingat sa tsismis dahil mabilis itong kumalat.

Luma na ang kasabihang ito ngunit lalong naging totoo sa kaso ng isang mamamahayag na nabiktima ng isang maling tweet message.

“Eto na, PCSO confirms one winner—his name is Miko Morelos. He gets to take home the P741.2M peso Grand Lotto 6/55 Jackpot! #magtagokana!”

Dahil sa tweet na ito ng fashionista at celebrity na si Tim Yap, parang virus na kumalat noong Lunes ang  balitang multi-millionaire na si Miko Morelos, reporter ng Philippine Daily Inquirer.

“Ikaw ba talaga ang nanalo sa Grand Lotto?” tanong ng isang kaibigan ni Morelos na excited na tumawag sa kanya sa cell phone.

Nagulat si Morelos sa tanong ng kaibigan. Di pa niya alam na kumalat na ito sa Twitter at iba pang social networking sites, pati na sa radio.

“Buksan mo ang radio, sa Magic 89.9, sabi ng mga tao ikaw ang nanalo,” anang kaibigan niya.

Pero  paano siya mananalo eh hindi naman siya tumaya sa lotto?

Ang natatandaan lang ni Morelos, matapos na makumpirma niya ng Lunes ng gabi ang balita sa Philippine Charity Sweepstakes Office na may nanalo na ng lotto jackpot ay nagsend siya ng online email sa kanilang Twitter operator sa office na ganito ang isinasaad, “One winner from Luzon confirmed.”

Matapos nito, isinubmit na ni Morelos ang kanyang istorya sa editor .

Ikaw ang nanalo anak????

Di rin nakaligtas sa nanay ni Morelos ang balita. Ganun din ang itinanong niya sa anak nang tinawagan niya ito sa cell phone. Ipinasa ng nanay niya ang telepono sa kapatid na babae ni Morelos. Anang kapatid, nalaman ng mga kabigan niya ang balita sa Twitter.

Umuwi si Morelos na di mapakali. Nang nasa bahay na, laking gulat ng reporter nang mag-log-on siya sa kanyang social networking accounts. Totoo nga. Nanalo nga siya ng jackpot sa lotto – iyon ang paniwala ng maraming taong nasa cyberspace.

Sa virtual reality, sikat na sikat si Morelos. Mahigit isang daan ang gusto siyang maging “friend.” Bumabaha rin ng “congratulations” ang kanyang mail inbox.

Meron pa ngang ginawang fan page para kay Morelos sa Facebook. Maraming nagpayo sa kanya dito kung paano gagamitin ng tama ang napanalunan sa lotto.

Hmmm…nakakapagtaka. Ang di totoo sa natural world ay totoo sa cyberworld. Hinanap ni Morelos ang pinagmulan ng tsismis.

“Apparently, it was celebrity host Tim Yap who branded me the winner in his tweet a few hours earlier,” ani Morelos, na di maubos maisip kung bakit magtu-twit ng ganoon si Yap. Hindi naman pinapangalanan ng PCSO ang mga nananalo para sa kanilang seguridad.

Itinama pero may tama na

Kalauna’y itinama naman ni Yap ang kanyang tweet. “Okay, ladies& gents excited about the winner of the lotto jackpot—I received reports that Miko Morelos is the Inquirer reporter who reported about the lotto. Not necessarily the winner. #sorrynacarriedawaylahat.”

Pero di naging sapat ito para mabura sa isipan ng mga tao na si Morelos ang siya talagang nanalo.

Martes ng hapon, tinawagan uli ng nanay niya si Morelos. Aniya, kahit todong tanggi ukol sa balita, kumbinsido pa rin ang mga kaklase ng kapatid ng reporter na si Morelos ang talagang nanalo.

Takot at pangamba sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya ang naging epekto kay Morelos ng maling lotto tweet.

“With the desperate times as indicated by the surge in petty crimes in the streets, I feared for our safety,” aniya.

“I commute to work from our house and the dangers of public transport are as obvious as the color of the sky. My family, likewise, does the same,” dagdag pa niya.

Ang isa pang ikinababahala ng reporter ay ang bilis ng impormasyong naging bunga ng IT revolution. Mabilis nga. Pero ang tanong, totoo ba?

Tanong ni Morelos, “Is this a sign of the times that people aren’t thinking critically anymore?” Soledad Montes

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply