‘Mamasyal na lamang imbes na magpaputok’

IMBES na magpaputok upang ipagdiwang ang Bagong Taon, mas mabuting mamasyal na lamang sa Rizal Park at iba pang pampublikong pasyalan.

Ayon kay National Parks Development Committee (NPDC) executive director Juliet Villegas, may masasaksihan ang mga pupunta sa Rizal Park na New Year Countdown to 2011 sa ganap na alas-nuwebe ng gabi sa bisperas ng Bagong Taon.

Kabilang aniya sa inaasahang makita sa naturang gabi ng pagdiriwang ay ang pag-perform ni Lady Valerie and Orchestra, ang makulay na fireworks displays at walang humpay na sayawan at pagbaha ng pagkain at inumin.

Mula noong bisperas ng Pasko ay umaabot na sa mahigit dalawang milyong katao ang namasyal sa nasabing parke.

Ito ay senyales naman ng magandang turismo sa Pilipinas bunsod na rin sa mga makukulay at malalaking atraksyon, kabilang na ang Childrens Playgound at ang Musical Dancing Fountain na libreng napapanood sa Rizal Park.

Ayon kay Villegas, karaniwan ang pagbuhos ng tao sa nasabing parke tuwing Kapaskuhan ngunit hindi umano inakala ng kanyang tanggapan na aabot sa 1.8 milyon ang bilang ng mga taong mamamasyal ditto.

Nitong mga nakalipas na taon ay nasa pagitan ng 50,000 hangang 100,000 katao lamang ang dumadagsa doon, aniya.

Samantala, naging matagumpay umano ang kampanya ng Department of Tourism (DOT), NPDC at kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng mga namamasyal sa parke.

Nauna rito ay pinagsanib ang mga puwersa ng Rizal Park Security Forces and Rizal Park Tourist Police at Community Brigade Auxiliary, na pinamunuan ni Chief Insp. Efren Pangan.

Ayon kay Pangan, dahil na rin sa 24/7 na pagbabantay ng mga awtoridad at CCTV cameras, wala umanong kaso ng anumang krimen ang naitala sa buong area ng Rizal Park, maliban na lamang sa ilang kaso ng mga nawawalang bata na agad din namang nabawi ng kani-kanilang mga magulang. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply