‘Mga P.I. kayo,’ pagkakamali ng SC at iba pa sa vizconde massacre

SAAN kaya patutungo ang kasong Vizconde massacre?

Nagtatanong tayo, Suki, dahil sa sa halip na matuldukan na ang kaso na nagdulot ng lungkot sa magkabilang panig ay tila mauuwi pa sa mas malalim o mas malungkot na kontrobersiya.

oOo

Tingnang natin ang mga pangyayari.

Lumikha ng gulo ang salitang “P.I. kayo!” ni Dante Jimenez patungkol sa mga mahistrado na nagdesisyong pawalang-sala ang mga akusado sa Vizconde masaker.

Isang tanong: Nararapat bang gumamit si Jimenez ng ganoong salita o hindi?

Para sa mga utak-ligal at tumitingala sa mga mahistrado, maling-mali umano  ang ginawa ni Jimenez. Ang sabi pa nga, dapat na kasuhan siya ng contempt at ipakulong.

Hindi umano dapat na murahin ang mga mahistrado dahil kagalang-galang ang mga ito at kawalan umano ng modo ang paggawa nito.

Trabaho lang umano ang ginawa ng mga mahistrado at walang malisya iyon.

Ayon naman sa iba, tama lang na magalit si Jimenez.

Nakadududa kasi umano ang posisyon ng pito sa 15 mahistrado. Por eksampol, apat ang kumontra sa desisyon ng pito na pawalang-sala sina Hubert Webb habang apat ang nag-inhibit.

Mining tu sey, Suki, hindi naging solid ang mga mahistrado sa pagpapawalang-sala kina Webb dahil pipito
lang ang mga ito awt op  15 na mahistrado.

Pero itong pinagdadaldal ng isang taga Korte Suprema na “hindi sinasabi ng desisyon na walang sala sina Webb kundi kinapos lang ang mga taga-usig na patunayan ang pagkakasala ng mga ito” ang nagpainit sa usapin.

Ito ang lumikha ng pagdududa sa isip ni Juan sa desisyon ng Hukuman kahit pa katanggap-tanggap ito sa mga ligalista.

Isa pa, ano yung sinasabi ni Mang Lauro na may Hukom na nagmaniobra sa kaso?

oOo

Heto pa ang ilang  pag-isipan kaugnay ng “P.I.”

May karugtong ito, Suki.

Ang sabi, eh, pinagpapatay na nga ang pamilya ni Mang Lauro Vizconde, tinodas pa ng Supreme Court ang criminal justice system.

In short, kinatay pa ang katarungan ng mga onorabol sa Korte Suprema.

At hindi lang si Jimenez, suki, ang may paniniwala rito.

Tingnan ninyo.

Sa palagay ba ninyo ay  consuelo de bobo lang kay Mang Lauro Vizconde ang pag-uutos ni PNoy na muling imbestigahan ang kaso?

Para sa atin, ang kautusan ni P-Noy ay larawan ng hindi niya pagiging bilib sa mga mahistrado. O kung hindi naman ay talagang may mali sa criminal  justice system kaugnay ng Vizconde masaker kaya nararapat lang na muling ungkatin o imbestigahan ito.

Marahil, malapit ang loob ni PNoy sa ganitong mga pangyayari dahil halos ganito rin ang kinahinatnan ng kaso ng kanyang tatay na si Ninoy.

Hanggang ngayon, walang malinaw na klosyur ng kamatayan ni Ninoy at ang mismong Korte Suprema ay gumampan nang malaki rito.

In ader words, Suki, batbat din ng pagkakamali ang Hukuman at anong malay ng lahat na kung paano naging malabo ang kaso ni Ninoy dahil sa mga pagkakamali ng Hukuman ay maaaring ganito rin ang nagaganap sa kasong Vizconde?

Dagdag pa, ano itong mga ulat na inuulan na umano ng death threat ang grupo ni Manang Persida Acosta sa pagpupursigi nitong iapela ang kaso at magsagawa ng reimbestigasyon? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply