‘Rosario’ ni Albert Martinez kinatay ng manunuri ng pelikulang Pilipino

DISMAYADO ang buong produksyon ng “Rosario” ng Cinemabuhay at Studio 5 dahil sa kawalan ng mga indibiduwal na pangunahing parangal sa kanilang pelikula bukod sa pagiging 2nd Best Picture sa katatapos na 36th Metro Manila Film Festival Philippines awards night sa Meralco Theater noong Linggo.

Kahit na nagwagi pa ang pelikula ng Best Editing at Best Cinematography ay hindi kontento ang mga tauhan ng prodyuser na si Manny V. Pangilinan dahil marami silang nais.

Kahit nga ang nominasyon ng aktor na si Albert Martinez bilang Best Director para sa pelikula ay hindi nila nakamtan.

Kaya nagrereklamo ang line producer ng obra na si Joan Cabaldo-Bañaga: “Bakit gano’n? Graded A kami ng Cinema Evaluation Board at nanalo pa naman kami ng technical awards pero ni hindi nominated si Albert as best director. Nakakapagtaka,” wika ni Joan na bihisa na sa pagpoprodyus ng pelikula, banyaga man o lokal.

Oo nga naman.

Dangan nga lang at narebisa ang isa sa mga panuntunan ng MMFFP kabilang ang bilang ng nominasyon.

Kung noong mga nakaraang pestibal ng Disyembre ay sanrekwa ang mga nominees sa iba’t ibang kategorya, ngayong taong ito ay nilimitahan sa tatlong nominasyon lang.

Hindi nakapasa sa panlasa ng mga hurado ang direksyon ni Martinez kaya naisnab siya sa nominasyon man lang.

Gayunman, mahinahon si Little, palayaw ni Albert, sa pagtanggap sa kanyang kapalaran.

Si Wenn V. Deramas ang nagwagi ng Best Director para sa “Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na ‘To)” ng Star Cinema.

“Okey lang sa akin. At least, I did my best. I did a good fight at ‘yon ang mahalaga. Saka na lang ako babawi,” sabi ni Martinez.

Ang nanggagalaiti sa inis ay ang asawa ni Albert na si Liezl Sumilang-Martinez.

“It’s ridiculous. Nakakatawa na hindi man lang na-nominate si Albert. But I think the people knew he won,” pampalubag-loob ni Liezl na nang gabing ‘yon ay kasama ang kanilang mga anak na babae na magaganda at biba rin.                                                  ***

Heto ang dapat pakinggan at basahin ni Little kaugnay sa hindi niya pagkaka-nominate sa best director category.

May sinabi si Dr. Bienvenido Lumbera, isa sa mga hurado sa timpalak, miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino at National Artist for Literature. “Watak-watak kasi ang direksyon ng ‘Rosario.’ Walang undercurrents. Walang mga meanings,” pahayag ni Lumbera.

Pati na ang ka-Manunuri ni Bienvenido na si Butch Francisco ay nagsabing “sinunod lang namin ang criteria ng MMFFP na ipinadala sa amin bago kami nag-judge.”

Nakakaintriga nga ang sinabi nina Bien at Butch kaugnay sa pelikula ni Martinez kaya naman nakaka-panabik na mapanood ito.

***

Naisnab din sa nominasyon sa pagka-best actress naman sina Kris Aquino para sa “Dalaw” ng Star Cinema at Cine Media at Jennylyn Mercado para sa “Rosario.”

Ito ay samantalang inasahan ng maraming tao na nominado sina Kris at Jennylyn dahil kapwa bida ang mga ito sa kani-kanilang obra.

Pati nga si Ai Ai de las Alas na nagwaging Best Actress para sa “Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na ‘To)” ay nakatatak sa kanyang utak marahil bago pa siya pumunta sa Meralco Theater na kalaban niya sina Aquino at Mercado dahil sa kanyang talumpati ay binabanggit at pinasasalamatan at hinahandugan niya ng kanyang karangalan ang mga kapwa nominee na sina Jenn at Kris.

Sa susunod na taon naman kaya, anu-ano ang mga reklamo? Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply