‘Rumble’ nagparalisa ng operasyon ng LTO

NAPARALISA kahapon ang operasyon ng Land Transportation Office dahil sa away ng dalawang nag-aagawan ng pag-aari ng Stradcom Corp., ang IT provider ng LTO.

Dakong alas-kwatro ng madaling araw ay puwersahang nag-take over ang grupo nina Aderito Yuhico at Bonifacio Sumbilla, na may kasamang humigit-kumulan na 30 gwardiya, sa tanggapan ng Stradcom sa loob ng main office ng LTO sa East Avenue, Quezon City.

Ang Stradcom ay pagmamay-ari ni Cezar Quiambao, samantalang ang grupo nina Yuhico at Sumbilla ay mga bagong kapitalista ng kumpanya na umaangkin dito.

Sa isang press conference, sinabi ni Transportation Secretary Jose de Jesus na hindi nito panghihimasukan ang away ng dalawang grupo, ngunit dapat umanong tiyaking hindi makakaapekto ang gulo ng dalawang grupo sa operasyon ng LTO.

Sa loob ng halos kalahating oras ay nagsagawa ng closed-door meeting sina De Jesus, LTO chief Virginia Torres, mga kinatawan ng Solicitor General’s Office, Quezon City Police Office (QCPO)  Director Benharde Mantele at Aris Batuhan ng legal affairs office ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at kinausap ang dalawang paksyon.

Hinikayat ng mga opisyal sina Quiambao at Yuhico na magkasundo na ang mga ito.

Subalit habang hindi pa ito nangyayari ay sasailalim muna ng kontrol ng LTO ang Stradcom.

Sinabi naman ni Torres na ganap na 1:00 ng hapon ay balik na sa normal ang operasyon ng LTO.

Binigyang-diin ni De Jesus na patuloy na nakabantay ang DOTC sa mga kaganapan sa Stradcom.

May 20 tauhan ni Yuhico ang nasakote ng mga pulis na puwersahang pumasok sa Stradcom, subalit sinabi ni Mantele na kukunin pa rin niya ang desisyon ng DOTC kung anung kaso ang isasampa sa mga ito.

Tiniyak naman ni Torres na hindi na mauulit ang ganitong insidente dahil may contingency plan na silang nakalatag upang hindi na maulit ang nasabing insidente.  Santi Celario

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply