2 pa sa detained ‘Morong 43’ workers, pinalaya na

PINALAYA na nitong Martes ang dalawa sa lima pang nakapiit na “Morong 43” health workers sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Matapos matiyak ng Department of Justice na walang rekord ng kasong kriminal sina Aldrin Garcia at Antonio de Dios ay tuluyan na silang pinalabas sa detention center.

Dapat sana’s noong nakaraang linggo pa nakalaya ang dalawa. Ngunit ito ay ipinagpaliban matapos sabihan ng mga awtoridad ang DOJ na may pending criminal cases sina Garcia at De Dios.

Ayon sa rekord ng korte, isang nagngangalang Aldrin Garcia ang may arrest warrant mula sa Quezon City Regional Trial Court – Branch 91 dahilan sa drug dependency charges.

Mayroon ding nagngangalang Antonio de Dios na sinampahan naman ng kaso ng paglabag sa Anti-Bouncing Check Law sa Parañaque Metropolitan Trial Court – Brach 77.

Ngunit natiyak ng mga awtoridad na di ang dalawang health workers ang mga nasabing nakasuhan.

Ang tatlo pang nananatiling nakapiit sa Camp Bagong Diwa ay sina Eulogio Castillo, Edwin Bustamante, at Mario delos Santos na may iba’t ibang akusasyon at kasong hinaharap.

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply