4 parak sa kidnapping; 4 pulis umihi, namaril

PNP chief Raul Bacalzo, ano na ba ang nagaganap sa mga parak?

Tingnan ninyo, Heneral Bacalzo, hindi pa natatapos ang kidnapping for ransom ng apat na pulis sa Caloocan City, may nasangkot naman sa barilan na apat na lasing na pulis sa Sampaloc, Manila.

Nahuli na ang isang Caloocan police na si PO2 Roger Bacanto samantalang pinaghahanap pa ang tatlo niyang kasamahan sa pagkidnap for ransom sa dalawang babae at pagnanakaw na rin nila ng computer ng mga biktima.

Makaraan ang kidnapping, pinatubos nina Bacanto na nagpakilalang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group, ang mga biktima sa halagang P100,000. Dito na nabuking sina Bacanto at siya ang natiyempuhang maaresto.

oOo

Ito namang mga pulis-Maynila ay lasing umano nang makabarilan ang isang photo journalist na miyembro ng Manila Police District Press Corp.

Umihi umano ang isa sa mga senglot na pulis sa bakod at pintuan ng bahay nina Jasper Barcelon kaya sinita ito ng isang kapatid ng huli na si Jayson. Maangas daw ang naging dating ng parak at sumunod na rito ang pagtatalo na nauwi sa barilan.

Pinagbabaril ng mga pulis ang bahay nina Barcelon at natamaan ang ama ni Jasper na si Roberto.

Nagulantang yata sa kanyang pagkakatulog si Jasper at nakipagbarilan na sa mga pulis. Nasugatan ang isang PO3 Arthur Martinez.

Kung ano ang tunay na istorya sa barilan sa pagitan nina Barcelon at mga parak ay ipauubaya na natin sa National Bureau of Investigation.

Nagtitiwala tayong lalabas ang katotohanan diyan at kung ano ang kahihinatnan ng pangyayari ay umaasa tayong para ito sa katarungan.

Sa pagkakaalam natin ay may kanya-kanyang kasong isinampa ng magkabilang panig laban sa isa’t isa. Kung aabot ang gusot sa hukuman, lubos din tayong nagtitiwala na katarungan pa rin ang iiral.

Masasabi ko nga lang, mga Bro, na agrabyado ka kapag parak ang iyong makakalaban sa barilan o sa kaso.

Lalo’t anytime ay may bitbit na baril ang isang pulis, may kasalanan man o wala sa isang pangyayari.

General Nick Bartolome, sir, pakisiguro po ang buhay ng mga Barcelon na nakaalitan ng mga pulis-Maynila.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply