5 Indie films, sa isang karosa lang sa MMFF parade

SA MANIWALA kayo at sa hindi, iisang karosa lang ang sasakyan ng limang opisyal na kalahok sa independent o indie o digital film section ng 2010 Metro Manila Film Festival Philippines.

Totoo po ito.

Inamin ng batambatang filmmaker na si Noriel Jarito na isang karosa lang ang ipinagawa ng Metro Manila Development Authority para sa limang pelikula kabilang ang “Rindido” ni Jarito.

“Ewan ko kung paano kami magkakasya ng mga artista, direktor at ng iba pang part ng pelikula sa iisang karosa. Baka naman malaki ang float. O baka pipili na lang ng sasakay sa karosa,” pahayag ni Noriel na mapalad na nakasali sa taunang pista ng pelikulang Filipino.

“Kung pipili ng mga artista para sa ‘Rindido’ na sasakay sa float, tiyak na si Chanel Latorre lang ang makakasama. The rest, sina Vic Tiro, Gerry Jumawan at iba pa, baka mag-convoy na lang sa parada,” paliwanag ni Noriel.

***

May pelikula si Diether Ocampo sa digital section, ang “Slow Fade” at mas malamang kaysa hindi ay sasakay ang aktor kasama si Chanel sa ibabaw ng karosa.

Crush pa naman ni Latorre si Diether kaya tiyak na hihimatayin ang aktres pag nagkasama sila ni Ocampo.

“Naku naman po, behaved naman ako pag nakasama ko si Diet. Marunong naman akong magdala in public. One more thing is, gentleman si Diether, alam ko, kaya hindi ‘yan magsusuplado. I really want to meet Diet in person. Alam ko, marami akong matutunan sa kanya sa pag-arte at pag-stay sa showbiz dahil durable star na siya.

“I am happy na nagdi-digital film na si Diether. Kailangan siya ng industriya kaya mabuting napapanood siya sa mga indie films. Kahit nga si Piolo Pascual, nagdi-digital na rin. Walang masama. Mas nakakadagdag nga sa credibility, e,” katwiran ni Chanel.

***

Sa awards night sa Meralco Theater sa Linggo, isa lang ang kategorya na paglalaban-labanan ng limang opisyal na kalahok sa indie o independent o digital film section.

Best Film lang ang igagawad at gagawaran kaya naman kinakabahan na si Noriel sa kalalabasan ng pagtutunggali ng mga pelikula.

May nakalaang gantimpalang P100,000.00 sa mananalong Best Film.

Maugong ang pelikula ni Jerrold Tarog (“Senior Year”) at ni Adolf Alix, Jr. (“Presa”) gayundin nina Rommel Sales (“Slow Fade”) at Jonnah Lim (“Nasaan si Hefte”) na manalong Best Film pero hindi rin magpapatalbog si Jarito.

Ayon kay Noriel, “ang sabi ng selection committee ng MMFFP, ang sa akin daw, may commercial appeal dahil sa sex and violence. Ewan ko lang, ha. Bahala na.”

Kung commercial appeal ang dahil sa pagkapili sa obra ni Jarito, may pag-asa kaya siya sa parangal samantalang ang basehan nito ay ang makasining at napapanahong pagtalakay sa paksa.

***

Grabe pala ang nangyayari sa buhay ng batikang direktor na si Ben Feleo.

May sakit na malubha ang ama ng nasirang si Johnny Delgado at ang asawa lang nito na si Zeny Zabala ang nag-aasikaso.

Kilala si Mang Ben sa mga pelikula ni Dolphy at siya ang nagpakilala sa publiko kay Andrew E.

Balak nga ni Zeny Marcelo-Poe, ang balo ni Conrad Poe na tulungan si Feleo at si Zabala.

Kalalabas lang sa ospital ni Mang Ben at may kulang pa itong bayad sa pagamutan.

***

Ayaw munang magkomento ni Ian de Leon sa paglaya ng kanyang pinsang-buong si Tony Boy Lejano kaugnay sa Vizconde massacre na nagpalaya rink ay Hubert Webb kamakailan.

Isinasalalay na lang ni Ian sa kanyang amang si Christopher de Leon at mga tiyahing sina Lara Melissa de Leon at Pinky de Leon ang pagsasalita kaugnay sa kanyang kaanak.

Umuwi pa mula sa Amerika si Pinky at si Lara Melissa para lang makapiling si Tony Boy sa paglaya nito. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply