Ai Ai delas Alas, inaasam-asam ang best actress award

NATUPAD ang pangarap ni Ai Ai delas Alas na masungkit ang inaasam-asam na acting trophy dahil siya ang nahirang na best actress sa katatapos na 36th Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal.

Masyadong emosyunal ang actress sa nasabing parangal.

Kamakailan, sa presscon ni Ai Ai sa kanyang pelikulang “Ang Tanging Ina Mo (Last na ‘to) under Star Cinema na dinirek ni Wenn Deramas, very vocal ang Comedy Concert Queen sa pagsasabing umaasa siyang manalo ng best actress trophy  sa 2010 MMFF.

Ani Ai Ai, hindi niya inaasahan ang best actress award kaya naging presenter pa siya sa awards night.

Marami ang nagulat sa hindi pagkakabanggit ng pangalan nina Kris Aquino at Jennylyn Mercado sa best actress category.

Isang big winner din ang pelikula ni Ai Ai, ang “Tanging Ina Mo” (Last na ‘to)” na nanalo ng best picture award, second best picture ang “Rosario” ni Jennylyn Mercado at ang kauna-unahang Pinoy 3D film na “RPG: Metanoia” ay nakopo ang third best picture trophy.

Ang “Rosario” na first directorial job ni Albert Martinez ang humakot ng parangal na may pitong MMFF trophies pero hindi nakopo ni Albert ang best director na napanalunan ni Wenn Deramas.

Hindi nakadalo sa Gabi ng Parangal ang Comedy King na si Dolphy para tanggapin ang napalunang best actor trophy para sa “Father Jejemon” at best supporting actor para sa pelikulang “Rosario”.

Si Eugene Domingo ang nanalo ng best supporting actress award.

At sa box office, nangunguna pa rin ang pelikula nina Sen. Bong Revilla at  Bossing Vic Sotto, ang “Si Agimat at si Enteng Kabisote”. Sa unang araw na pagtatanghal (Dec. 25), humamig ito ng mahigit sa P32 million sa takilya.

“Balota, Barilan at iba pang mga Bigating Balita: Dokumentado 2010” sa New Year’s Eve ng TV5

Naging hudyat ang taong 2010 sa pagdating ng bagong TV5. Dahil sa tuloy-tuloy na paghahain ng matitinding pagbabago sa Philippine TV, hindi maikakaila na ang Kapatid Network na ang fastest-growing network sa bansa. Sa pagtatapos ng taon, maghahatid ang TV5 ng kumprehensibong yearend report upang balikan ang mga pinakamalalaking pangyayaring gumulantang sa 2010.

Papasadahan ng News5 ang pinakakontrobersyal at pinakamalalaking balitang yumanig sa bansa sa “Balota, Barilan at iba pang mga Bigating Balita: Dokumentado 2010” sa Disyembre 31, alas-9 n.g.

Sa pangunguna ni Ms. Luchi Cruz-Valdes, hihimayin ng buong puwersa ng News5 ang mahahalagang pangyayaring naganap nitong 2010. Kasama rin ang magigiting at pinagkakatiwalaang pangalan sa pagbabalita—Paolo Bediones, Erwin Tulfo, Martin Andanar, Raffy Tulfo, Cheryl Cosim, Cheri Mercado, Chiqui Roa–Puno, Amelyn Veloso, Shawn Yao at Jove Francisco—para i-dokumento ang mga balitang nagbigay-kulay sa taong 2010.

Ipapalabas ang “Balota, Barilan at iba pang mga Bigating Balita: Dokumentado 2010” sa New Year’s Eve, Disyembre 31, pagkatapos ng LokomokoU (pre-empting Wow Meganon?! at My Driver Sweet Lover) at susundan naman ng live news coverage at 2011 countdown sa Aksyon Journalismo, 11:15 n.g. Sa pakikipagtulungan sa Mama Mary Movement, ipapalabas din sa TV5 ang New Year’s Mass (pre-empting Jojo A. All the Way) ng 12:15 n.u. Joe Cezar

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply