Akusado sa Maguindanao massacre bantayan

DAPAT na gumawa ng paraan ang gobyerno na maging mahigpit ang pagbabantay sa mga suspek o akusado sa Maguindanao massacre.

Kaugnay ito, mga Bro, ng sumbong ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology na inalok siya ng suhol para lang makatakas sa kulungan lalo na ang mga pangunahing suspek sa nasabing massacre.

Umaabot umano sa halagang P150 milyon ang handang pakawalan ng mga Ampatuan, lalo na si Datu Unsay, Maguindanao Mayor Andal Ampatuan Jr.

Si Andal Jr., mga Bro, ang itinuturong bumaril mismo sa nakararami sa 58 biktima ng massacre noong Nobyembre 26, 2009.

Ayon sa opisyal ng BJMP na tinangkang suhulan, tatanggap umano siya ng P50 milyon at madaragdagan pa ng P10M sa oras na makatakas na sina Andal sa kulungan ng mga ito sa Bicutan jail, Taguig City.

Pinaniniwalaan namang  mayroon nang ilang tauhan ng BJMP at Philippine National Police ang nakatanggap na
ng mga paunang bayad para rito.

Ginustong maging matapat umano sa tungkulin ang nasabing opisyal ng BJMP kaya naman agad niyang ipinagbigay-alam kina Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, PNP Director General Raul Bacalzo at Justice Secretary Leila de Lima ang pangyayari.

Naganap umano ang panunuhol bago pa man ganapin ng bansa ang paggunita sa unang anibersaryo ng massacre.

oOo

May batayan, mga Bro, ang ibinulgar ng magiting na BJMP official. At magandang nagmungkahi siya ng mga paraan para mapigilan ang pagtakas ng mga akusado.

Kabilang sa mga iminungkahi niya ang pagtanggal sa kanya sa pagkakatalaga sa nasabing piitan, pagpigil sa anomang paglapag ng helikopter sa lugar at pagpapalit ng kada tatlong buwan ang mga itatalagang bantay sa piitan.

Dapat na gumawa ang pamahalaan ng higit na mahigpit na mga patakaran para hindi makatakas sa kulungan ang mga akusado.

Dapat ding kalkalin ang katotohanan sa alingasngas na mayroon nang nakatanggap na mga pulis at BJMP personnel ng suhol.

Sinomang mapatutunayang tumanggap ng tongpats dito ay dapat na madisiplina kaagad at makasuhan na rin.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply