Amnestiya kay Honasan, pinanindigan ng Palasyo

NANINDIGAN ang Malacañang sa nakalistang mga pangalan na isinumite nito sa Senado para mabigyan ng amnestiya, kabilang si Sen. Gregorio Honasan.

Sa pagdinig nitong Martes sa Senate Committee on Peace and Unification, sinabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa na wala nang babaguhin sa listahan dahil alinsunod ito sa ibinigay ng Department of Justice (DOJ).

Kasama sa Proclamation No. 75 ni President Benigno Aquino III ang nasabing listahan.

Bukod sa mga sundalong nag-aklas noong administrasyong Arroyo, kasama din sa listahan ng bibigyan ng amnestiya ang ilang kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army, sina Honasan, Pastor Boy Saycon, at Renato Constantino.

Ang tatlong huling nabanggit ay kasangkot umano sa tatlong nabigong pag-aaklas noong nakaraang administrasyon.

“Merong record sa DOJ na may kaso laban kay Honasan na nasa ilalim pa ng preliminary investigation. Kaya nga niliwanag natin kanina na we committed as part of the executive department that we will discuss this with Secretary (Leila) de Lima so that she take immediate action in order to properly disposed of this case,” ani Ochoa.

Ani Ochoa, matatanggal lamang sa listahan si Honasan kung tuluyan nang madidismis ang kasong isinampa laban sa senador.

Subalit itinanggi naman ng DOJ na sa kanilang tanggapan nanggaling ang listahan ng mga aplikante para sa amnestiya.

Ani DOJ Undersecretary Francisco Baraan, bagamat ang pangalan ni Honasan ay kasama sa mga respondent sa kasong may kinalaman sa Marine standoff na kinasasangkutan din ng grupo ni Senador Antonio Trillanes IV, wala naman aniyang ipinalabas na listahan ang DOJ hinggil sa mga inirerekomenda nitong mabigyan ng amnestiya kaugnay ng nasabing kaso.

Hinala si Baraan na ang listahan ay nagmula sa tanggapan ni Trillanes.
Ito’y dahil sa humingi aniya sa DOJ ang sekretarya ni Trillanes ng listahan ng mga respondent sa nabanggit na kaso. Ernie Reyes

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply