Amnestiya kay Trillanes, et al, aprubado na ng Senado

INAPRUBAHAN na ng Senado ang Proclamation No. 75 na nagbibigay amnestiya kay Sen. Antonio Trillanes IV, kabilang ang lahat ng opisyal at enlisted men na sangkot sa pag-aaklas laban sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nitong Martes ng gabi, kaagad inaprubahan ng Senado ang committee report na inihain ng Senate committee on Peace and Unification sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona Jr.

Labing apat ang pumabor sa amnestiya, isa ang tumanggi, at isa pa ang di bumoto.

“An amnesty, therefore, does not encourage nor instigate military adventurism; instead, it leads to sustainable peace and genuine reconciliation,” ani Guingona.

Tanging si Sen. Joker Arroyo lamang ang tumutol sa ginanap na pagdinig ng komite matapos iginiit na kailangan pang linisin ang listahan.

Hindi naman bumoto si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan sa naturang panukala. Kasama siya sa listahan ng bibigyan ng amnestiya.

Sakaling aprubahan din ng Mababang Kapulungan ang naturang proklamasyon, sinabi ni Guingona na maaari nang makalaya si Trillanes.

Paniniwala naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na makalalaya si Trillanes bago sumapit ang Kapaskuhan dahil wala nang kasong lilitisin ang alinmang korte na pumipigil sa kanyang kalayaan dahil aprubado na ang proklamasyon.

Binibigyan ng 90 araw ang bawat sundalo na maghain ng aplikasyon sa Amnesty Commission upang maisalalim sa amnestiya ng Proclamation No. 75.

Alinsunod sa Saligang Batas, kailangang aprubahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang anumang amnesty proclamation na ipinalabas ng pangulo.

Ang pag-apruba ay nangangailangan ng boto ng mayorya ng kasalukuyang bilang ng miyembro ng Mababang Kapulungan at Senado sa panahon ng pagtalakay sa plenaryo. Ernie Reyes

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply