Ampatuan, nanuhol ng P150M para makatakas?

IBINULGAR kahapon ng National Press Club (NPC) ang umano’y tangkang panunuhol ng pamilyang Ampatuan ng P150 milyon upang makatakas si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ang pangunahing suspek sa karumaldumal na “Maguindanao Massacre.”

Ayon kay NPC president Jerry Yap, nakatanggap sila ng “verified reports” mula sa isang mataas na opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tinangkang suhulan ng pamilya Ampatuaan ang matataas na opisyal ng kagawaran at ang Philippine National Police upang hayaang makatakas si Andal Jr.

Ibinulgar din ng NPC na isang opisyal ng BJMP ang inalok ng P50 milyon na “downpayment” at karagdagang P10 milyon oras na matagumpay na makatakas ang suspek.

Agad umanong ipinagbigay-alam ng opisyal ang nangyari kay Interior Secretary  Jesse Robredo, PNP chief, Director General Raul Bacalzo, at Justice Secretary Leila de Lima.

Matapos nitong magsumbong ay kusa umanong umalis ang opisyal sa kanyang posisyon upang makaiwas sa pamilya Ampatuan.

Nabatid na isinagawa ng mga Ampatuan ang tangkang panunuhol bago pa man idinaos ang unang anibersaryo ng masaker.

Dahil dito, inirekomenda ng BJMP ang pagpapalit ng district jail warden tuwing ikatlong buwan.

Tinambakan din ng mga bakal at mga kutson ang roofdeck ng kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig upang hindi makalapag ang anumang sasakyang panghimpapawid.

Nanawagan din ang NPC sa DILG, PNP, Supreme Court at DOJ na maghigpit sa pagbabantay kay Andal Jr. at iba pang suspek sa kaso, partikular tuwing may pagdinig. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply