Ang apela sa Diyos

IBA’T IBA ang reaksyon sa hatol ng Korte Suprema na acquittal sa mga akusado sa kaso ng Vizconde massacre.

Ako mismo ay maraming tanong. Mukhang mas marami ang tutol sa desisyon ng Supreme Court, maraming nagtaka
sa hatol at marami ang nagsabi na nagkasuhulan.

Maraming tao ang galit sa desisyon ng Supreme Court na abswelto kay Hubert Webb at sa kanyang mga kasamahan.

Pero kung tatanungin mo sa maraming mga taong ito kung nabasa nila ang eksaktong naisulat na desisyon ng
Korte Suprema, ang sagot ay hindi.  Basta ang basehan ng marami ay ang mga balita at naniniwala sila sa testimonya ng star witness sa kaso na si Jessica Alfaro. At higit sa lahat ay naaawa sila kay Lauro Vizconde at sa mga pinaslang na pamilya niya.

Meron din naman na naniniwala na tama ang desisyon ng Korte Suprema dahil hindi daw kapanipaniwala ang mga kwento ni Jessica.

Muli tinanong ko ang mga may ganitong opinyon kung nabasa nila ang desisyon ng Kataas-taasang Hukom. Ang sagot pa rin ay hindi, ang basehan nila ay kanilang sariling opinyon.
Bilang abogado ay ginagalang ko ang desisyon ng Supreme Court. Hindi dahil sang-ayon ako sa desisyon kundi dahil “court of last resort” ang SC at ang desisyon nito ay final na dahil wala nang mas mataas pang hukuman.

Kaya kung ako ang tatanungin kung tama ba ang desisyon ng Korte Suprema ang sagot ko ay, kung sila mismo na 15 mga Justices ay iba-iba ang pananaw kaya hindi pinag-uusapan kung tama ang desisyon nila o hindi. Ang punto lang dito ay ang Supreme Court lang ang magkapagbibigay ng final na desisyon sa kaso.

Kaya pwede pa bang kasuhan sila Hubert at ang kanyang mga kasama? Hindi na.  Final na ang acquittal na iyon na ipinagkaloob sa kanila ng SC.

Kaya kahit aminin pa nila ngayon na sila nga ang gumahasa at pumatay kay Carmela Vizconde at pumatay din sa ina at kapatid nito, na sila nga ang mga salarin, ay wala nang magagawa ang korte, hindi na sila
makakasuhan pang muli sa parehong kaso dahil final na nga ang acquittal na desisyon sa kanila.

Bilang abogado, ang tingin ko ay hindi na makakapagbago ng nadesisyunan nang acquittal ang plano pang maghain ng motion for reconsideration dahil kung ganun ay magiging double jeopardy lang na ang ibig sabihin ay nalitis na ang mga akusado, nadesisyunan na ang kaso nila at tapos na ang lahat.  Kaya ganun na lang ba iyon?

Nakakalungkot pero ganun na nga yun. Naalala ko tuloy ang isang kaibigan kong abogado na matapos manalo sa kanyang kaso sa mas mababang korte pero pagdating sa Supreme Court ay natalo, nagpa-dyaryo sya ng “Appeal to God.”  Gusto daw nya iapela sa Diyos ang desisyon ng Korte Suprema.

Hayun na “show cause order” sya, ipinatawag ng SC para magpaliwanag at na-suspend pa yata. Pero ito na nga lang siguro ang magagawa ng mga naniniwala na si Hubert at mga kasama nito ang tunay na may gawa ng krimen, ang ipasa-Diyos na lang ang lahat.

Bahala na ang Diyos. Dito sa hustisya ng Pilipinas ay nagsalita na ang final court, kailangan tanggapin, kailangan nang lunuki’t kahit para sa ilan ay totoong mapait.

Ang nakakatawa ay ang pahabol na entrada ng Malacañang. Nag-utos daw ang Palasyo na resolbahin ang kaso ng Vizconde massacre sa loob ng anim na buwan. At sino naman ang mamalasing tao ang maituturo na panibagong salarin para lang may maituro at para lang na may masabi sila na may mahuhuling suspect sa loob ng 6 na buwan?

Maniniwala pa kaya si Lauro Vizconde na ang mga mahuhuli na naman sa loob ng kalahating taon ay ang mga tunay na salarin? Maniniwala kaya ang bayan?

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com.  Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon.  Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply