Ang Executive Order No. 1 at si Sen. Ping Lacson

UMAALINGAWNGAW ang mga balita ukol sa pamahalaan, lalo na ang mga may kaugnayan sa mga hukuman.

Nitong huli, mga Bro, ay idineklarang unconstitutional ang Executive Order No. 1 ni Pangulong Noynoy Aquino.

Nilayon ni Pang. Noynoy na durugin ang korapsyon ng nakaraang administrasyon kaya naman nilikha nito ang nasabing EO at nagtayo ito ng Truth Commission para isagawa ang mga panimulang hakbang laban sa korapsyon.

Pero tinirador nga ng nakararami sa mga Hukom ang EO dahil sa pamimili nito ng uusigin. May tinititigan at iba ang tinitingnan, sabi!

Ang hamon lang sa honorabol justices, sa paanong paraan ba mabawasan sa kasaysayan kahit kaunti man lamang ang sobrang korapsyon sa bansa?

Kung minsan, nagmumungkahi ang Hukuman sa ibang ahensiya ng gobyerno ng mga paraan para maituwid ang mga liko-likong batas na kanilang dinidesisyunan. Meron bang mungkahi ngayon ang mga Hukom kaugnay ng nasabing EO?

oOo

Tinirador din ng Court of Appeals ang petition ni Sen. Ping Lacson para sa re-investigation ng kanyang double murder case at lusawin na rin nito ang warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ng mababang hukuman.

Ngayon ay do or die si Sen. Ping sa panawagang siya’y lumutang na para harapin ang kanyang kaso.

Dito natin naalaala, mga Bro, ang napakaraming kaso na kitang-kita ang “justice delayed is justice denied.”

Minsan ay nakatisod tayo ng kaso na pagpapakamatay ng isang pulis dahil kinalasan siya ng kanyang bebot,napurnada pa siya sa bar examination.

Akalain ba nating nakulong ang lima nitong kainuman dahil naging suspek sila sa kamatayan ng parak.
Makaraan ang anim na taon, idineklara silang “not guilty.”

Nang makauwi na sila sa kani-kanilang mga tahanan, dalawa sa mga ito ang wala nang misis dahil naghanap na ang mga ito ng iba.

Sa kaso ng Vizconde massacre, aba, 20 years na ang kaso at nabubulok na ang mga suspek sa kulungan ngunit wala pa ring malinaw na pinal na desisyon ang Korte Suprema rito.

Paano mo ngayon mapalulutang para lang  magpabilanggo si Lacson sa ganitong uri ng katarungan?

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply