Ang Pasko ay sumabit

MADALAS nating marinig ang reklamo na masyadong komersyalisado na ang Pasko at nakalimutan na natin ang tunay na diwa nito.

Taun-taon, ito ang reklamo ng Simbahan. Kesyo nakalilimutan na raw natin ang tunay na kahulugan ng Pasko.

Nakalimutan na raw na bertdey ito ni Hesus at hindi ni Santa Klaws. May umagaw ng Pasko kay Kristo at dapat daw itong ibalik.

Ang totoo niyan, sa ayaw natin at sa gusto, bahagi na talaga ng Pasko ang “komersiyalisasyon” (kung ito nga talaga ang angkop na tawag sa materyal na bagay na ginagawang simbolo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan).

Kapag nagbigay ka ng materyal na bagay – gaya ng regalo – may kapalit ring materyal na bagay ito – gaya ng pera. Kaya natural na naiiugnay ang pera sa Pasko.

Pero sa ayaw at sa gusto ulit nating lahat, darating ang Pasko nakahanda man tayo o hindi. Tulog man tayo o gising. Bertdey man ni Kristo ang ipinagdiriwang o tradisyong pagano na inari ng mga Kristiyano. Kelangan nating iraos iyan.

Para sa tulad kong hampaslupa, mas mahalaga syempre ang “diwa” ng Pasko kesa komersiyalismo. Wala ka naman kasing choice pag wala kang pera, di ba la?

Pwera biro, kahit hindi ako masyadong relihiyoso, sinusunod ko pa rin ang mga tradisyong Katolika dahil bahagi na ito ng kulturang Filipino. Iginagalang ko rin ang mga tradisyon ng ibang relihiyon at nakikibahagi rin sa kanila kapag may pagkakataon sa mga pagdiriwang, pero dahil nga Katoliko ang mga magulang ko tradisyong Katolika ang nakagisnan ko at sinusunod.

Ang Pasko, gaya ng iba pang tradisyong Katolika tulad ng piyesta, e magastos talaga. At nakahandang ipangutang iyan ng mga Pinoy – na likas na mapagbigay at masayahin – para lamang makapagdiwang.

Madaling sabihing “magbigay ng pag-ibig sa Pasko” pero isang bagay ito na hindi nahahawakan kaya’t mahirap sukatin. At paano mo sasabihing naiiba ang pag-ibig na ipinamimigay mo tuwing Pasko sa pag-ibig na ipinamimigay mo sa Valentine’s Day o sa iba pang panahon ng taon? Naiiba ito dahil sa mga materyal na bagay na nakikita at nasusukat, gaya nga ng regalo, Christmas card, pagbati, bonus, pa-raffle at mga palamuti.

Kailangang masaktan ka kahit kaunti para ipahayag ang pagmamahal sa mga taong malalapit sa iyo. Kailangang masaktan ang bulsa mo para sumaya ang puso mo.

Mahal mo ang isang tao? Pwes, kailangan mong gumastos para ibili siya ng gusto niya o sa tingin mo ay magugustuhan niya. At habang lumalaki ang pag-ibig mo sa isang tao, mas lalong lumalaki ang gastos.

Mahal ang Pasko? Ganyan talaga ang buhay. Tanggapin na lang natin. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply