Ang Pasko para sa matatanda

MARAMI ang nagsasabi na ang Pasko daw ay para sa bata. Tuwing Pasko nagbibigay ng regalo sa mga bata ang kanilang mga ninong at ninang. May bagong damit at mga laruna sila tuwing Pasko.

Ang mga pelikula na box office tuwing panahon ng kapaskuhan ay yung  may temang pang-bata. Nagkalat ang mga binebentang laruan sa mga tiange at sa mga malls para mga bata. Siguro dahil ang Pasko ay kaarawan ng batang Hesus.

At dahil mahalaga ang pagdiriwang ng Pasko sa ating mga Pilipino, maluwang ang paggasta sa panahong ito kaya naman ang mga negosyante ay pinupuntirya ang mga bata para mahikayat ang kanilang mga magulang, mga ninong at ninang, para mamili ng kung anu-anong pamasko para sa  kanila.

Kaya ang disenyo ng mga tindahan at ang mga gimik sa mga pamilihan ay sinadya para makahikayat ng mas maraming mga bata. Pero sana ay huwag naman natin makalimutan ang mga matatanda ngayong kapaskuhan.

Sa ating pamilya, tiyak na may mga matatanda din na baka tahimik lang na nakamasid at hindi na masyado sumesentro sa atensyon. Sila ang mga senior citizens. Sila lolo at lola na mahihina na pero ibinibigay pa rin ang kanilang lakas at panahon sa mga myembro ng pamilya.

Marahil ay lumipas na ang kanilang lakas na inalay nila sa kanilang mga anak at mga apo. Madalas, last priority ang mga matatanda, minsan sa pagbili ng regalo ay huli sila sa listahan. Marami sa kanila ay nasa ospital dahil sa karamdaman.

Ang iba naman, dahil mahina na ay nasa bahay lang at halos ni hindi na makapunta sa simbahan, habang ang karamihan ay nasa labas at namamasyal o nasa mga party. Masaya na sila na uwian na lang ng kwento mula sa kung saan man galing na pamamasyal at pagsasaya ang mga kasambahay.

Kaya saludo ako sa mga taong tuwing Pasko ay sa mga ospital at mga home for the aged nagpupunta para mamahagi ng regalo at magbigay ng konting saya para sa mga matatanda na ang ilan ay halos wala nang nakakaalala at tila nakalimutan na ng kanilang mga kamag-anak at pamilya.

Kaya sa Paskong ito, bigyan natin ng pansin at ibang klaseng pagpapahalaga ang mga matatanda.  Si lolo at si lola at sina tatay at nanay na matatanda na rin. Bigyan natin ng panahon na makasama natin sila ngayong Pasko.

Baka ilang Pasko na lang natin sila makakasama at mahalaga na may quality time tayo na kasama sila.  Ang panahon na igugugol natin kasama sila ngayong Pasko ay ikatututwa nila. Sana ay gawin natin ito hangga’t nakakasama pa natin sila.

MALIGAYANG PASKO SA LAHAT.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com.  Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon. Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply