Appointees ni GMA sa BoC, sibakin na!

NAPAPALIGIRAN si Customs Commissioner Lito Alvarez ng mga appointees ni ex-president Gloria Arroyo kaya madali siyang makumbinsi ng mga ito na sumunod na lang sa agos ng kalakaran ng smuggling operations sa halos lahat ng entry ports sa buong bansa.

Ito ang sinabi sa akin ng isang opisyal ng non-government organization (NGO) na walang habas na lumalaban sa sistemang bulok na umiiral sa BoC dulot ng kinang ng salapi na ipinamumudmod ng mga smugglers.

Hindi ko na papangalanan muna ang kaibigan natin na opisyal ng NGO dahil tiyak ko na alam rin mismo ni Comm. Alvarez kung sino ang tinutukoy ko.

Anang kaibigan ko, ang sangkaterbang mga appointees ni GMA ang dahilan kung bakit hindi mapahinto ang smuggling sa loob ng BoC.

Bukod pa, aniya, na tila walang nalalaman itong si Alvarez  sa Customs and Tariff Code ng ating bansa.

Dalawa sa maselang puwesto sa BoC ay ang Customs intelligence and investigation group at ang X-Ray division, na parehong pinamumunuan
ng mga appointees ni GMA.

Sa intelligence ay si Filomeno Vicencio samantalang sa X-Ray naman ay si Atty. Lourdes Mangaoang, na napabalitang may kaugnayan kay Customs police chief na si Joey Yuchongco.

Bukod pa rito ang mga port collectors na, ayon sa ating mga espiya, ay ubod na ng yaman dahil sa kabibigay ng mga smuggler ng milyun-milyong “tong.”

Maniniwala ba kayo na isang mataas na opisyal ng BoC ang kumikita ng mahigit sa P10 milyon araw-araw mula sa lahat ng smugglers na may aktibidades sa lahat ng major ports ng ating bansa?

Kung hindi kaagad babalasahin ni Pangulong Aquino ang hanay ng BoC – siyempre kasama na rin dapat dito si Alvarez – ay tiyak na lalong lalaki ang halaga ng mawawala sa kaban ng ating pamahalaan.

Simple lang naman ang modus operandi —  ang magsabwatan at magtimbrehan ang mga kumag!

Alam n’yo ba na kalimitang kalakaran ngayon sa mga pantalan ay hindi na binubuksan ang mga dumarating na container van dahil nakatimbre na ang mga ito sa lahat ng opisyales ng BoC?

Katulad ng daan-daang mga container van na naglalaman ng bigas na ngayon ay naka-imbak sa Port of Cebu na pinamumunuan nitong si Boysie Belmonte, ang kapatid ni House Speaker Sonny Belmonte.

Balita ko’y nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan rin itong si Belmonte sa mga laman ng mga container van na nakatambak sa pantalan niya.

Deklaradong mga scuffholdings at iba pang construction materials ang nakasulat sa import entry documents ng mga kargamento nguni’t tone-toneladang bigas mula bansang Vietnam pala ang nilalaman.

Puro sa mga peke at kuwestiyunableng kumpanya naka-consigned ang mga container vans ng bigas pero ang totoo, isang buwayang opisyal ng BoC ang may parating nito.

Ilang taon din nagsilbing port collector ang hinayupak na BoC official kaya’t ekspert siya pagdating sa technical smuggling. Mabuti na lang at nakabantay ang grupong NGO ng kaibigan natin. Buking tuloy ang operasyon ng tarantandong opisyal na ito na sinasabing may padrinong pulitiko na ubod ng balimbing!

Bakit hindi makakibo ang Customs intelligence at ang X-Ray division sa mga ipinupuslit ng buwayang opisyal ng BoC?

Dahil katulad nila, bata rin ng nakaraang administrasyon ang smuggler na BoC official. Maniniwala ba kayo na hindi tinapalan ng pera ang dalawang opisina?

Maugong na sisibakin din daw itong si Alvarez at ang mukhang napupusuan na ipapalit ay itong si Boysie Belmonte. Susmaryosep naman talaga, o!

Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko pang malagay sa BoC si dating Pampanga governor Ed Panlilio kasabay ng pagsibak sa lahat ng appointees ni GMA. Tiyak na titino ang BoC!

oOo

Maraming salamat nga pala sa mga kaibigan ko na naka-alaala ng aking kaarawan kahapon (December 27). Dalangin ko ang matiwasay na pamumuhay para sa ating lahat sa susunod na taon. Kasama na rin ang pagtigil ng korapsyon sa ating gobyerno!

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply