Arnel Ignacio, pinalayas sa Famas Awards Night?

GAANO  katotoong pinalayas si Arnell Ignacio sa nakaraang gabi ng parangal ng Famas sa Teatro GSIS sa Pasay City  kamakailan?

Ang siste kasi ay nag-host si Arnell kasama si Isa Litton sa ika-58 pagdiriwang ng pinakamatandang institusyon ng nagpaparangal sa mahuhusay sa pelikula sa Pilipinas.

Maraming bahagi ng palatuntunan ang sumablay halimbawa’y ang pagsapaw ng mga voice-over clips na nag-aanunsyo ng mga nominado sa bawat kategorya habang nagsasalita si Arnell o di kaya ay si Isa.

Meron ding tatawagin ang mga nanalo pero walang sisipot na katawan mismo ng mga ito kundi mga kahalili o kinatawan. “Ano kaya, i-text na lang natin ang mga mananalo,” pahayag ni Ignacio na sarkastiko.

May pagkakataon na sumapaw ang voice-over habang nagsasalita sina Arnell at Litton at ang kasabi-sabi ba naman ng komiko ay “’Yan, sa kabilang building ‘yan nanggagaling,” patungkol sa pagsingit ng mekanikal na voice-over.

Tinawag ang GSIS Chorale pero binawi rin ng live voice-over at iba pang kapalpakan.

***

Ayon kay Anthony Castelo na nasa likod ng tanghalan, may nagpaalis kay Arnell sa entablado dahil sa pangmamaliit nito sa pagpapatakbo ng produksyon ng Famas awards night.

Isa umanong opisyal ng grupo ang nagpaalis kay Ignacio dahil sa pagpapatawa nito sa produksyon.

Pero talaga namang palpak ang preparasyon kung may preparasyon man. “Kailangang mag-pre-production meeting muna tayo,” udyok ni Arnell na nangongomedya.

Pati anang mga saksi, ang orihinal na direktor ng gabi ng parangal ay nag-walkout din.

Ang sabi naman ng peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas, kawalan ng sapat na pera sa produksyon ang sanhi ng kapalpakang ito.

Tawa nang tawa si Dennis sa mga bloopers sa stage halimbawa’y ang pag-aabot ng usherette ng Famas statuette kay Hero Bautista na siyang representante ni Herbert Bautista, ang alkalde ng Quezon City, na siyang nagwagi ng Presidential Award habang ang presentor na si Alice H. Reyes ay wala pa sa stage.

Nang kaharap na ni Alice si Hero ay kinuha niya ang tropeyo mula kay Bautista at inabot muli sa nakababatang kapatid ni Herbert pagkatapos.

***

Mabuti na lang at payapa ang mga bituin at bagamat nawiwili sila sa pagmamasid sa mga nangyayari sa entablado  ay nauunawaan nila ang mga aberya.

Tinawag si Gloria Diaz bilang presenter kasama si Bella Flores pero dahil mas sa may unahan ng mga upuan nakapuwesto si Bella, nauna siyang nakapanhik ng tanghalan.

Naupo na lang si Gloria sa unang hanay ng mga manonood dahil kung umakyat pala siya at binasa ang nagwagi sa kategoryang Best Supporting Actress ay siya mismo ang babasa ng kanyang pangalan.

Gandang-ganda pa rin si Anthony kay Diaz dahil napapanatili anya ng beauty queen ang kariktan nito.

***

Samantala, hindi na namin namulatawan si Arnell sa stage at si John Nite na ang madalas mag-emcee kasama si Isa.

‘Yon pala ay umuwi na si Ignacio o pinauwi ng mga organizer.

Sinabi ni Ignacio sa patawang pamamaraan na “wala raw tayong talent fee rito.” Na kagyat niyang dinugtungan ng “pero may pinirmahan ako.”

Imbiyernang-imbiyerna si Art Tapalla sa kapalpakan ng kanyang pinagmimiyembruhang oragnisasyon. Katabi pa naman niya si Domingo Landicho na member din ng Famas.

Pero hindi magpapaawat ang Famas dahil handa na naman itong maghatag ng mga gantimpala sa isang taon sa magagaling, ayon sa kanilang pamantayan, sa larangan ng showbiz. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply