Awards presentation minadali kaya nawala ang suspense

MAHUSAY ang ginawang produksiyon ng Gabi ng Parangal, 36th Metro Manila Film Festival noong Linggo. Mabilis ang phasing at hindi nakakaantok. Maikli lang din ang talumpati ni MMDA Chairman Francis Tolentino na siya rin ang over-all chairman ng MMFF.

Ngunit naniniwala pa rin kami na kung gagawin ang Gabi ng Parangal sa katapusan o huling araw ng MMFF, mas mahusay  ang epekto at resulta sa mga manonood!

Saan ka ba naman nakakita ng isang kumpetisyon na kaka-umpisa pa lamang ay igagawad mo na ang mga parangal? Iba ang pelikula, puwede mong sabihin, ngunit pareho pa rin ang patakaran sa lahat ng kumpetisyon!

Maliban lang kung extremely commercial ang isang pelikula, katulad ng “Si Agimat at Si Inteng Kabisote,” papatok na papatok ito sa takilya kahit hindi mo gawaran ng isang katiting na parangal.

Kung hindi nanalo ng parangal ang isang pelikula, ito ay hindi na papanoorin at tuloy-tuloy na siyang maging kulelat. Ito ang masamang epekto ng sobrang maagang pagbibigay ng mga parangal.

Kahit ano pang gawin na promotion ang producer ay hindi na rin papansinin ang mga manonood. Kaya counter-productive ang masyadong maagang pagbibigay ng parangal.

May kasabihan na “people don’t go for the losers but for the winners!”

Ang isa pang nawala sa sobrang aga na pagbibigay ng parangal ay ang “active participation” ng mga manonood sa film festival. ‘Yun bang pinag-uusapan nila ang mga pelikula, at sinasabi nila, “panoorin mo ‘yun” at ipinapaliwanag kung bakit.    Nagkakaroon pa nang konting debate. Kaya enjoy sila sa pelikula hindi lang habang nanonuod kundi sa labas din ng sinehan.

Ang mga usapan na ganito ay nakaka-ingganyo pa sa mga hindi pa nakakapanood upang manood!

Sabi kasi nila noon ang mga unang ehekutibo ng MMFF na ang mga nabibigyan ng parangal ay ang mga pelikula na mahihina sa takilya at baka raw makatulong ang parangal. Oo nga, pero paano naman ang hindi nagkamit ng parangal? Kaya hindi po patas ang maagang pagbibigay nang parangal.

Pabayaan na lang natin sana na matapos muna ang MMFF bago ibigay ang mga parangal para bawat producer ay magkakaroon pa ng pagkakataon na i-promote ang kanyang pelikula.

Sa nangyaring sobrang agang pagbigay ng mga parangal, sino pang gustong manuod sa walang parangal?

The MMFF, to paraphrase a famous statement, “is devouring the majority of its own children!”

Karaniwan na ‘yong tatlong pelikula na pinakamataas sa takilya sa unang araw ng film festival, ay sila pa rin ang pinakamataas hanggang sa katapusan. Kung sila pa ang nabigyan ng mga parangal dahil karapat-dapat nga at naigawad sa kanila ng sobrang aga, ay tuluy-tuloy na rin na pagka-bangkarote ang mga kasaling pelikula na hindi tumanggap ng parangal.

Inuulit namin, na kung hindi naibigay kaagad ang mga parangal sa pangalawang gabi ng MMFF kundi sa katapusan, umaarangkada rin sana ang mga walang parangal at hindi sila nakalimutan bago magtapos ang MMFF!

At ang maganda, nalaman pa ang top grosser! Nardz Belen

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply