Bagaheng pasahe

ANO ang mararamdaman mo kung ikaw ay drayber ng sasakyang pampubliko na kumikita ng halagang halos hindi mapakain nang maayos ang pamilya?

Kung bugbog ang katawan mo sa halos 24 oras na pagmamaneho araw-araw ngunit wala pa ring pangtustos sa pag-aaral ni bunso?

Hindi ka kaya mangarap, kahit paano, na sana’y tumaas man lang iyong kinikita? Na mangingiti man lamang si misis tuwing iaabot mo ang bunga ng iyong pinagpaguran? Na hindi naghihirap ang kalooban tuwing makikita ang kasalatang dinaranas ng pamilya, partikular ang mga anak?

Hindi ka kaya mangarap na sana tumaas, kahit kaunti lang, ang pasahe?

Alam na alam ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na magkakagulo sakaling manawagan sila muli ng dagdag-pasahe.

Hindi sila masisisi. Alam na alam nila ito dahil hindi naman kasi libre ang mga ito sa epekto ng pagtataas ng pasahe.

Di ba’t namamasahe rin sila araw-araw sa pagpunta sa garahe ng kanilang minamanehong dyipni, taksi o bus?

Namamasahe rin ang kanilang mga anak na sumasakay din sa mga sasakyang pampubliko.

Sana naman ay huwag isipin ng mga kababayan natin na pagiging ganid ang ugat ng paghiling ng mga nasa public transport sector. “Survival” hindi “greed” ang pinanggagalingan ng kahilingan namin.

Ang tanging ibig namin ay madagdagan ang kakapiranggot na kita kahit paano, para naman hindi magutom ang pamilya.

Noon pa mang naging P22 kada litro ng diesel ay iginiit ng mga drayber ang pagtataas ng pasahe. Nang hindi kami mapagbigyan, tinanggap namin ang desisyon ng kinauukulan dahil inintindi namin na nabibigatan din ang lahat sa mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Pero ngayon ay mahigit na P40 na ito. Kaya’t maiisip ninyo ang sakripisyong dinadaanan ng mga drayber at ibang manggagawang pangtransportasyon sampu ng mga pamilya nila.

Sa kabila nito, pilit pa rin kaming naghihigpit ng sinturon.

Hindi sana kami mangungulit ng taas-pasahe kung mapipigil ang mga kumpanya ng langis sa pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kung maiaalis sa mga ruta ang mga kolorum na pampasaherong sasakyan at kung maiaalis na sa katawan ng mga traffic enforcer ang pangongotong.

Pero paano naman ito kung ang mismong ang  Department of Energy (DoE) na ang nagsasabing hindi nito kayang pigilin ang oil companies na  magtaas ng presyo ng petrolyo?

Deregulated na kasi umano ang industriya kaya walang control ang pamahalaan sa pagtaas at pagbaba (paminsan-minsan) ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sige na nga, kahit maaari naman sigurong makaisip sila ng paraan upang kahit paano ay maibsan ang negatibong epekto ng oil price hike sa pampublikong transportasyon.

Pero ‘yung mga nakokontrol ng pamahalaan ay tila wala rin naman itong ginagawa o nagagawa, tulad ng problema sa mga kolorum at pangongotong ng mga pulis at iba pa.

Patuloy nating igigiit ang aming mga kahilingan. Lumalapit kami sa lahat ng mamamayan na suportahan ang aming sektor sa layuning ito.

Lahat naman tayo ay ibig gumaan ang bagahe sa pamasahe. Patrick Vergara

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply