Bagong aplikante sa STL suriing mabuti; ‘one-strike policy’ ng PNP may kalabuan

HANGGANG katapusan na lang pala ng buwan na ito ang bisa ng prangkisa at mga permit ng mga operator o agent company/corporation na pinahintulutan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para magpatakbo ng Small Town Lottery (STL) sa iba’t ibang mga probinsiya – lalo na sa mga lugar na kilalang bilang rehiyon ng “jueteng.”

Kakanselahin na ng PCSO ang prangkisa o permits ng lahat ng operators o agent companies na nagpapatakbo ng STL lalo na ‘yung mga kumpirmadong “iginigisa” ang PCSO sa sariling mantika nito.

Ito ‘yung  mga kumpanya na napatunayan na ang mga nagmamay-ari o stockholders ay mga illegal gambling lords na nagkukunwari bilang lehitimong mga negosyante na.

Isa lang ito sa mga paraan na iminungkahi ng PCSO kay Local Government Secretary Jesse Robredo para matapos na ang maliligayang araw ng mga illegal gambling lord na ginamit bilang “front” ang STL para magpatuloy ang kanilang jueteng operations.

Kaya nga natatawa ako kapag ipinapaliwanag ng mga illegal gambling lords na ito na sila ay kabilang na sa mga “legit” dahil STL na ang kanilang pinatatakbo at hindi na jueteng.

Pero hindi ito nangangahulugan na tutuldukan na ng PCSO ang programang STL – na totoong nalugi ng bilyong-bilyong piso sa mahabang panahon dahil sa kawalanghiyaan ng mga gambling lords na nakakuha ng STL franchise.

Tuloy pa rin ang PCSO sa pagtanggap ng mga bagong aplikante. Kaya lang, dadaan sa butas ng karayom ang lahat ng mga aplikante. Layunin kasi ng PCSO at ng DILG na masala mabuti ang lahat ng mga aplikante.

Totoong nagkaproblema ng husto ang PCSO sa ilang mga STL agent company/corporations  tulad ng Enhance Technology System ng Batangas; ang CTG Prime Venture Inc. sa Nueva Ecija; ang Lake Tahoe Gaming and Amusement Corp. sa Angeles City; ang Sunset Bay Research and Marketing Corp.; ang Diamond Gaming and Research Center Corp. sa Bulacan, at ang SunCove Corp. sa Pampanga. Sigurado ako na alam n’yo na kung sino-sino ang mga financiers ng jueteng sa nasabing mga lugar.

Sisiguraduhin daw ng PCSO at DILG na walang makapapasok na tulisang mga kumpanya na nagsilbing “front” sa jueteng. Kaya nga raw nagtatag sila ng mga bagong patakaran at regulasyon para sa operasyon ng STL sa susunod na taon.

Payo ko lang sa PCSO at kay Sec. Robredo na busisiing mabuti ang mga bagong aplikante dahil mas tuso pa sa matsing ang mga illegal gambling lord na ito.

‘Ika nga nila “kapag gusto maraming paraan, kapag ayaw maraming dahilan!”

oOo

‘ONE-STRIKE’ POLICY NI GEN. BACALZO, MAY KALABUAN

Kailangang linawing mabuti ni PNP chief General Raul Bacalzo kung ang kanyang inisyung “one strike” policy para sa kanyang mga field commander ay para sa jueteng lang o sa lahat ng uri ng illegal gambling.

May mga opisyal ng PNP kasi ang nagsasabi na para lang daw sa jueteng ang “one-strike” policy ni Gen. Bacalzo, di ba Chief Supt. Nicanor Bartolome ng NCRPO? Ito ang dahilan daw kung bakit hindi nasibak sa puwesto ang ilang opisyal ng pulisya sa Quezon City na kung saan nahuli kamakailan sa kanilang area of responsibility ang mga nagpapatakbo ng illegal numbers game na kung tawagin ay “Basketball 38.” Kinopya ito sa palaro ng Pagcor pero walang ipinag-iba ito sa jueteng na ang gamit naman bilang “front” ay ang STL.

Mga magigiting na elemento ng RPIOU ng NCRPO ang nakahuli sa mga administrator at personnel ng bangka ng “Basketball 38” sa Quezon City at sa imbestigasyon, itinuro nila sina Perry, Eddie at Tepang bilang mga amo o “bangka” nila. Maliban kay Perry, matagal nang sangkot sa jueteng operations itong sina Eddie at Tepang, na dating tauhan ni Tony “Bolok” Santos ng Marikina City.

Si Perry naman, na dating mahaba ang buhok, ang kinikilala ng pulisya na isa sa mga iligalista diyan sa Quezon City. Madalas pang ipagmalaki ng kumag na ito na malakas siya sa media.

Basahin ang buong artikulo sa www.remate.ph. Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply