Banggaan, pagkahulog sa bangin ng mga bus at jeepney bantayan

BUS NAHULOG SA BANGIN, 49 PATAY, 1 NAKALIGTAS!

BUS, TRAYSIKEL NAGSALPUKAN, 5 TODAS!

JEEPNEY, NAWALAN NG PRENO, KABAHAYAN INARARO: 15 PATAY!

BUS BINOMBA, NASUNOG: 10 PATAY, 20 SUGATAN!

Hangga’t maaari, Suki, ayaw nating magkaroon ng mga nakalulungkot na ganitong balita.

Ayaw sana nating maging ulo ng mga balita sa peborit ninyong tabloid na Remate at Remate Tonight.

Sinasabi natin ito dahil ang simoy ng Pasko ay narito na.

In pak, ilang tulog na lang ay simula na ng misa de galyo.

Napakahirap haluan ng madugong kamatayan ang Kapaskuhang gusto sana nating maging masaya.

Masaya dahil ito’y araw ng pagkikita-kita ng lahat ng mga magkakamag-anak, magkakapitbahay at magbebespren.

Gusto nating makisaya sa lahat ng nagsasaya kaugnay ng pagsilang ng manunubos na si Hesus.

oOo

Kaugnay nito, dalawang linggong tumanggap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng aplikasyon ng mga bus, jeepney at iba pa para mamasada mula sa Maynila patungo sa lalawigan kaugnay ng Kapaskuhan.

Natapos nitong Biyernes ang aplikasyon at mag-iisyu ang LTFRB ng mga special permit sa Disyembre 20 para matugunan ang sasakyang kinakailangan ni Juan sa kanyang pagbabakasyon sa kanyang sinilangang barangay.

Sapat ang araw para sa LTFRB na pag-aralan ang mga kwalipikasyon ng mga kompanya, drayber at konduktor at kondisyon ng mga sasakyan bago ito mag-isyu ng permit.

Kaligtasan sa biyahe at hindi disgrasya at kamatayan ng mga pasahero, drayber at konduktor ang nais na siguruhin ng nasabing ahensiya sa pag-iisyu nito ng mga permit.

oOo

Magkagayunman, kalahati ng misyon para sa kaligtasan ang nakasalalay sa kamay ng mga mananakay.

Sa ganitong mga panahon kasi, alam ba ninyong maraming drayber at konduktor ang pagod na pagod at puyat na puyat sa biyahe?

Nasa 24 oras silang nasa mga sasakyan at bumibiyahe sa loob ng 17 araw mula sa Disyembre 20 hanggang Enero 6, 2011.

Isipin ninyo, Suki, na ang biyahe mula sa Metro Manila hanggang sa mga dulong bahagi ng Luzon gaya ng Laoag City, Aparri at Albay ay umuubos ng nasa 14-15 oras na biyahe.

Eh ang mga bumibiyahe sa Visayas at Mindanao na naglalakbay sa lupa at dagat sa pamamagitan ng RORO.

Kapag puro rawn trip ang biyahe ng mga ito, tiyak ang pagod at puyat ng mga drayber at konduktor at sira sa mga sasakyan.

Ang mga mananakay, Suki, ay kailangan ng mga ito bilang tagapaalaala o taga-warning para sa kaukulang pag-iingat, maging ukol sa kondisyon ng mga sasakyan.

Sa mga interbyu natin sa mga nabubuhay sa mga disgrasya, nakatutulong ng malaki ang mga pasahero sa pag-iingat sa pamamagitan ng paggising sa mga nakakatulog na drayber habang tumatakbo ang mga sasakyan.

May mga pagkakataon na ang mga pasahero rin ang nakapupuna ng mga sira ng sasakyan at hindi ang mga drayber at konduktor.

Mas magaling ding guwardiya kaysa sa mga sniffing dog ang mga pasahero laban sa mga mambobomba. Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply