Bayaning pulis ng Pasay, tulungan natin

PINANSYAL na tulong ngayon ang lubos na kinakailangan ng bayaning pulis ng Pasay City na si Senior Inspector Renato Apolinario.

Kung inyong matatandaan, si S/Insp. Apolinario, na isang administrative officer ng Chief Inspectorate Office ng pulisya ng lungsod, ay nagpakita ng kakaibang kabayanihan sa isang engkuwentro laban sa mga hinihinalang grupo ng mga kidnaper na nagtangkang kidnapin ang isang Indianong nasyunal kamakailan sa Pasay City.

Malubha ang tinamong mga tama ng bala ni S/Insp. Apolinario na ngayo’y nakaratay sa intensive care unit ng San Juan de Dios hospital sa Pasay City kasama ang biktima na Indianong si Manjinder “James” Kumar, ang presidente ng Khalsa Diwan Inc. – ang Indian Sikh temple ng mga kapatid nating Bumbay na matatagpuan sa United Nations Avenue sa Maynila.

Ayon sa maybahay ni Capt. Apolinario, lubos na kailangan nila ng tulong-pinansyal para sa mga gamot na inireseta ng mga doktor para sa bayaning pulis na ngayo’y ligtas at nasa panatag na kalagayan na.

Halos mag-iisang linggo na si Apolinario sa nasabing pagamutan at inaasahang aakyat sa malaking halaga ang magiging bayarin sa naturang pribadong ospital. Ito ang isa sa mga bagay na labis na ipinag-aalala ng maybahay ng bayaning pulis dahil ang tanging kakarampot na suweldo lamang ng kanyang mister ang inaasahan niya at ng kanilang mga anak.

Sa aking pakikipag-ugnayan kay Senior Supt. Cuaton kamakalawa, sinabi niya sa akin na nakahandang tumulong ang pamunuan ng pulisya at maging ang local na pamahalaan – sa pangunguna ni Mayor Tony Calixto –para matustusan ang anumang gastusin sa pagpapagamot ni S/Insp. Apolinario.

Nguni’t walang nakatitiyak kung magiging sapat ang anumang maitutulong ng pulisya at ng lokal na pamahalaan, paliwanag sa akin ng kaibigan nating hepe ng pulisya ng lungsod.

Kaya’t sa pamamagitan ng kolum na ito, ipinaaabot ko bagay na ito sa pamunuan ng Philippine National Police at kay Secretary Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa pagkakaalam ko, nagbibigay lang ng reimbursement ang PNP command sa anumang gastusing medikal ng sinumang nadisgrasyang pulis matapos itong makalabas mula sa pribadong pagamutan.

Sana naman ay matulungan kaagad nila ang bayaning pulis na si S/Insp. Apolinario.

MAPALAD ANG BIKTIMA

Kundi dahil sa katapatan sa tungkulin ni Apolinario ay malamang na hindi nakaligtas sa grupo ng mga kidnaper ang kaibigan nating biktimang si James Kumar.

Sakay ng kanyang motorsiklo si Apolnario nang matiyempuhan niya na aktong binibitbit na ng mga salarin itong si Kumar. Naganap ang insidente nung Lunes hapon sa kahabaan ng F. B. Harisson St., Pasay City, di kalayuan sa Chinese temple sa nasabing lugar.

Hawak ang kanyang service firearm, sinita ni Apolinario ang mga salarin na naging dahilan naman para makahulagpos si Kumar mula sa mga suspek at tuluyang makatakbo patungo sa likuran ni Apolinario.

Nagpakilala pa bilang mga pulis ang mga suspek na umaabot sa mahigit walong katao na pawang armado ng armalite rifles. Isa sa mga salarin ay nagpakilala pa na opisyal din ng PNP.

Nang sabihin ni Kumar kay Apolinario na mga kidnaper ang mga suspek ay bigla na lamang silang pinutukan. Halos lahat ng bala ay kay Apolinario tumama nguni’t sabay silang natumba sa bangketa, paliwanag ni James.

Bagama’t duguan bunga ng tama sa kanang braso, mabilis na tumakbo si James. Tumagal ang tensyon ng may sampung minute dahil hinabol pa siya ng mga salarin habang pinapuputukan.

Natigil lamang sa pagtugis ang mag suspek nang makapasok si Kumar sa loob ng compound ng Chinese temple na di-kalayuan sa pinangyarihan ng insidente.

Tumakas na rin ang mga suspek dala ang van na sinasakyan ni Kumar.

Kasunod nito ay ang pagdating ng mga rumespondeng pulis ng Pasay.

Pero sa kasawiang-palad, tinangay ng mga suspek ang dalawang Pilipinong kasamahan ni James sa van. Ang mga ito ay nakilala lamang sa pangalang “Andy” at “Pide,” na hanggang ngayon ay wala pa ring balita kung sila ay buhay pa o hindi na!

Labis-labis ang pananawagan sa mga suspek ng mga kaanak ng dalawang biktima na kung maaari ay ibalik na lamang sa kanilang piling ang kanilang mga mahal sa buhay alang-alang sa diwa nitong kapaskuhan!

Pangalawang beses na itong pagtatangka sa buhay ni James Kumar. Noong una, naganap sa Makati City may ilang taon na ang nakararaan, ay himala rin siyang nakaligtas matapos barilin ng dalawang beses sa dibdib ng isang gunman.

Ang dalawang bala ay kapwa lumihis sa puso ni Kumar. Tiyempo rin noon na may isang NBI agent ang napadaan sa lugar ng insidente kasunod ng isang ambulansiya ng Makati Medical Center na nagkataong napadaan din sa lugar na pinangyarihan ng krimen!

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply