BOC, inireklamo dahil sa ‘red tape’ sa balikbayan boxes

NAKATANGGAP ng reklamo ang Office of the Ombudsman hinggil sa umano’y mga iregularidad sa Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa pagkaantala ng pagdating ng balikbayan boxes na inaasahang mailalabas ng mga may-ari nito sa araw ng Pasko.

Napag-alaman na nagpadala ng liham si Assistant Ombudsman Evelyn Baliton kay Customs Commissioner Angelito Alvarez, kung saan inihayag ng una na nakatanggap ang Tanodbayan ng sulat na nagbubunyag ng nasabing iregularidad sa BOC.

Nakasaad umano sa ulat na natanggap ng Ombudsman na hinihingan ng kung anu-anong mga dokumento na hindi naman kailangan ang mga umaasam sa mga balikbayan box upang bigyang katarungan ang pagkaantala sa mga balikbayan boxes.

Nilalaman din ng ulat na iginigiit umano ng mga nagrereklamo na walang Citizen’s Charter ang BOC na siyang gagabay sa mga empleyado ng ahensya para sa tamang proseso ng mga dokumentong kinakailangan para sa agarang pagpapalabas ng balikbayan boxes.

Maliban dito, napaulat din na ang ilang mga used clothing at goods na donasyon sa Department of Social Welfare and Development ay nagawang mai-divert ng mga tiwaling kawani sa mga pribadong kumpanya at maibenta sa murang halaga sa mga tindahan ng ukay-ukay.

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Baliton si Alvarez na maghigpit sa pagpapatupad pamantayan sa pag-angkat ng karne.

“We trust that no contaminated and/or double dead meat products will pass the ports under the efficient supervision of the BOC,” ayon pa kay ni Baliton.

Una nang nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ang paglipana ng karneng “botcha” o double dead meat products na ibinebenta sa murang halaga. Robert C. Ticzon

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply