Call centers at cybersex

KAMAKAILAN ay lumabas ang balita na nangusuan na ng Pilipinas ang India bilang pangunahing bansa sa industriya ng Business Process Outsourcing (BPO). Ito ang mabilis na umaangat na global business ng mga call center na nandito sa Pilipinas at nagbibigay ng technical and customer support sa pamamagitan ng tawag sa telepono mula sa mga customer sa buong mundo.

Napakaraming trabaho ang dala ng mga call center sa bansa at malaking tulong ito sa indibidwal na Pinoy at sa kabuuang ekonomiya ng Pilipinas. Pero nakakalungkot ang halos kasunod lang na lumabas na balita na dumarami din ang mga cybersex center dito sa atin.

Ayon sa mga report para din daw mga business call center ang mga cybersex center na ito pero sa halip na mga tanong tungkol sa customer service at product support ang pinag-uusapan ay cybersex na nga.  Mga Pinoy na nagbebenta ng aliw sa pamamagitan ng mga call center.

Magandang balita na sana ang paglago ng mga call center dahil ang ibig sabihin nito ay pinagkakatiwalan ng global market ang kakayahan ng Pinoy para maging business support ng mga naglalakihang mga korporasyon sa ibang bansa tulad ng Microsoft, Toshiba, at marami pang iba.

Pero kahihiyan din sa atin at sa bansa, lalo sa ating mga kababaihan, ang magkaroon din ng reputasyon na nangunguna din tayo sa cybersex business. Maganda na sana, nasisira pa.

Isa pang magandang balita sana ay ang mga ulat na hindi naman daw tuluyang lumayo sa Pilipinas ang mga turista. Sa kabila ng mga iskandalo na nakaapekto sa industriya ng ating Turismo, bukas pa rin ang maraming turista na pumunta sa Pilipinas. Sa kabila ng kung anu-anong mga travel ban na inisyu ng ibang bansa laban sa Pilipinas, marami pa ring mga turista ang gustong dumalaw dito sa atin.

Pero ano ang sumasalubong sa kanila pag dating nila dito? Problema sa transportation, kahit bookings sa mga eroplano at mga ferry boat para makaikot sila sa Pilipinas ay napakahirap makakuha.  Pag minalas ay may nae-engkwentro pa silang mga maliliit na mga krimen at akto ng korapsyon. Minsan ay may problema ng brownouts pa at kawalan ng tubig.

Huwag naman sana masayang ang isang magandang oportunidad sa turismo. Sayang naman ang mga magaganda tungkol sa bayan natin na hindi naha-highlight. Mga maipagmamalaki natin sa buong mundo na natatabunan ng mga pangit na balita at mga pangit na mga insidente.

Sana ay mailahad natin sa mundo ang tunay na kagandahan ng Pilipinas at ang magandang katangian ng mga Pilipino. Sana ay huwag tayong maalala bilang sentro ng cybersex at bilang lugar kung saan laging may problema sa airport.  Sana sa tuwing maiisip ng mga turista ang Pilipinas ay maalala nila ang sarap ng pagkain, ang mababait at magagaling na mga tourist guides, ang ganda ng tanawin, ang efficient transportation system.

Higit sa lahat sana ay maisip ng kahit sinong turista na nagnanais na bumisita sa Pilipinas na ligtas sila sa ating bayan.  Hindi lang dahil efficient ang mga pulis kundi likas na mababait ang mga Pinoy.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com.  Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon. Ariel Inton

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply