Cristine Reyes nahimasmasan sa pagtataray kay Sarah Geronimo

NAGING napakabilis para kay Cristine Reyes ang humingi ngayon ng paumanhin sa mga taong naapektuhan ng tungkol sa naging kontrobersiyal na patutsada niya kay Sarah Geronimo sa pamamagitan ng kanyang twitter account, at ang pinag-ugatan siyempre ng lahat ay ang pagmamahal niya kay Rayver Cruz.

Ibig sabihin ay nahimasmasan na si Cristine sa kanyang pagtataray nang wala sa lugar at biglaan.

Naging tatak na ni Cristine sa showbiz ang pag-uugali na ganyan.  Napakabilis niyang magbitiw ng kung ano-anong salita na medyo may laman para sa kanyang kapwa.  Na para bang sa kanyang mga ginagawa ay lagi niyang pinatutunayan, na prangka lang siya at totoong tao. Kaya next time, maghinay-hinay naman siya sa kanyang pagtataray, ‘di ba?

Marami na talaga ang hindi natutuwa sa pag-uugali niyang ganyan, lalo pa’t mayroon talaga siyang sariling istilo ng kaartehan, na maiinis kang talaga.

Mabait namang tao si Cristine.  Kasi nga, kapatid niya ang napakabait na si Ara Mina.  Pero dahil ganyan nga si Cristine na mayroong kakaibang pag-uugali, kaya nagkaroon na talaga siya ng image bilang maarteng taklesa.  Wala lang, nagbigay lang naman siya ng panghuling pasabog ng intriga sa showbiz sa pagtatapos ng taon.  Pero ganu’n pa rin ang dating:  Laging nakikipag-away si Cristine na ang dahilan ay lalake.  Para siyang mauubusan ng lalake.  Para siyang aagawan ng lalake.

Hayan, iyung-iyo na si Rayver dahil magkasabay na kayong umamin ng inyong relasyon.

CAREER NINA MATT EVANS AT MELISSA RICKS, GUMEWANG NA

KUNG marami na ang naghahanap kung saan na napunta ngayon ang movie career ng young actor na si Matt Evans, ay panoorin n’yo na lang siya sa pang-tanghaling teleseryeng “Juanita Banana” ng ABS-CBN, dahil naroon siya.  Pero kung ang tutumbukin ng pansin ay kung nasaan na ang dating magandang takbo ng kanyang movie career, ay parang isang napakalaking ewan ang kasagutan.   Kasi nga, tuluyan nang lumamlam ang kanyang popularity.

Gumewang ang kasikatan ni Matt, dahil gumewang na rin ang kasikatan ng dati niyang ka-loveteam na si Melissa Ricks.  Medyo maganda na kasi ang direksiyon ng kasikatan ng tambalan nila.  Kaso, kung kani-kanino na ipinareha si Melissa, kaya naman kahit na humusay na ring umarte ang tisay na young actress, ay diretsong naungasan na siya ng pagsikat ni Erich Gonzales.

Kung dati-rati ay pambida na siya sa mga teleserye, ngayon ay kapatid na lang ni Joem Bascon sa teleseryeng “Noah” ng Dos ang kanyang papel na ginagampanan.

Dati kasi ay nagkakatulungan sina Matt at Melissa sa kanilang pagsikat.  Cute ang dating, na parang pupuwedeng maging sila, dahil puro pusitibong salita ang ipinupukol nila sa isa’t isa.  Kamukat-mukat mo ay na-link si Melissa kay Jolo Revilla, at bagay din pala sila kahit hindi nagdiretso sa relasyon ang pagporma sa kanya ng anak ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr.  Lalong hindi na ngayon mapag-usapan sina Matt at Ricks, dahil ang dalaga ay karelasyon na ngayon ni Jake Cuenca.  Kumbaga, naiwang mag-isa si Matt, kaya hindi na talaga siya masyadong pinag-uusapan ngayon. Melchor M. Bautista

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply