Dahil sa ‘palpak’ na E.O. No. 1, legal advisers ni PNoy pinagre-resign

KUNG may natitira pang hiya ang mga legal adviser ni Pangulong Benigno Aquino III dapat ay mag-resign na sila, ayon kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga.

“Palpak ang mga legal adviser. The result shows their incompetence… They should have the delicadeza to resign,” ani Barzaga.

Ang pahayag ni Barzaga ay kaugnay sa pagdedeklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Truth Commission na nilika noong nakarang July 30 sa pamamagitan ng Executive Order No. 1 ni Aquino.

Nitong Miyerkules, nagpatawag ang Pangulo ng pulong sa kanyang legal team kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema.

Ang pangunahing layunin umano ng nasabing pulong ay ang pag-aralan at himaying mabuti ang mga naging batayan ng mga mahistradong sa kanilang pagboto laban sa E.O .No. 1.

Subalit tumanggi ang Pangulo na magbigay ng komento tungkol sa pinag-usapan sa nasabing pulong.

Sinabi naman ni Assistant Minority Leader at Zambales Rep. Mitos Magsaysay na dapat balasahin ni Aquino ang kanyang Gabinete.

Ayon kay Magsaysay, ang unang dapat sibakin ng Pangulo ay sina presidential legal Ed de Mesa at Executive Secretary Paquito Ochoa.

Sinabi ni Ochoa, isa sa mga arkitekto ng E.O. No. 1, na hindi sila pinanghihinaan ng loob sa naging desisyon ng Korte Suprema.

Aniya, may iba pang paraan para mabulatlat ang mga anomalya ng nakaraang administrasyon.

Aminado ang kalihim na isa itong delay sa kanilang pagsisikap na makakuha ng hustisya pero tiniyak niya na hindi sila titigil sa paghahanap ng katotohanan.

“The Supreme Court’s decision on the constitutionality of Executive Order No. 1 will not deter us from pursuing measures necessary to look into the allegations of corruption by the previous administration,” ani Ochoa.

Samantala, naniniwala si Deputy Speaker Erin Tañada na malabo nang mabaligtad pa ang 10-5 na desisyon ng Korte Suprema.

Gayunpaman, magpupulong pa rin umano ang mga kaalyado ni Aquino sa Kamara upang talakayin ang maaaring maging ayuda nila dito.

Samantala, sinabi ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona na hindi obligasyon ng high tribunal na ipaliwanag sa mga kritiko ang desisyon nito. Dapat daw ay basahin na lamang ng mga kritiko ang desisyon.

Ayon kay Corona, malinaw nilang sinaad sa dokumento ang dahilan kung bakit ibinasura ang pagtatatag ng Truth Commission.

Tumanggi siyang magkomento nang tanungin siya kung may bahid ng pulitika ang desisyon. Meliza Maluntag, Teresa Tavares, at Kris Jose

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply