Debate sa RH bill magiging madugo

INAASAHAN ni Senate President Juan Ponce Enrile na magkakaroon ng “madugong” debate ukol sa Reproductive Health Bill dahil nakasalalay dito ang seguridad ng mga susunod na henerasyon ng Pilipino.

Ani Enrile, hindi man prayoridad ng Senado ang panukala, nakatitiyak ang senador na magkakaroon ng dibisyong pulitikal sa hanay ng mga miyembro ng Kongreso at maapektuhan din nito ang paniniwala ng bawat mambabatas.

“It is not a priority in the Senate, but it is something that we could not avoid to confront.  This is going to be one of the most debatable and the most serious pieces of legislation that will confront both Houses of Congress,” paliwanag ni Enrile.

“Even our faith will be involved,”dagdag niya.

Sinabi pa ni Enrile na nakasalalay sa RH Bill ang interes pang-ekonomiya ng bansa at magiging malaking salik kabilang ang seguridad ng bansa sa susunod na 500 taon.

“The economic interest of the country will be a factor and the security of this nation for the next 500 years will be on the balance,” giit niya.

Pangunahing salik sa pagkakaroon ng “madugong” debatehan ang pagbaklas ng Senado sa P200 milyong badyet para sa pambili ng contraceptive pills, injectibles at condom na inilipat sa pondo ng state universities and colleges (SUCs) na kinaltasan ng mahigit P2.7 bilyon.

Pangunahin umano sa tatalakayin sa RH Bill ang pagkontrol sa pagbubuntis ng bawat kababaihan na siyang labag sa itinuturo ng Simbahan at pangkaraniwang tradisyon ng Filipino hinggil sa pagpaplano ng pamilya. Ernie Reyes

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply