Delfin Lee, aarestuhin at ikukulong pag no-show sa Senado

NAKA-AMBANG maaresto at makulong si Delfin Lee, president at chief executive officer ng Globe Asiatique Realty Holdings Corporation, kung di siya sisipot sa pagdinig ng Senado ukol sa P6.6 bilyong Pag-IBIG housing fund scam.

Ayon kay Sen. Serge Osmeña, may kapangyarihan ang Senado na ipadakip at ipakulong si Lee, na diumano’y utak ng nasabing scam.

“Kapag hindi siya dumalo, mahaharap siya sa kasong contempt,” ani Osmeña nitong Lunes.

Sa kanyang subpoena kay Lee, na inayunan ni Senate President Juan Ponce Enrile, iniutos ni Osmeña na magpakita at magtestify ang Globe Asiatique executive sa gagawing pagdinig ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies at Senate Committee on Urban planning, Housing and Resettlement.

Ang joint hearing ay gaganapin sa Huwebes, Disyembre 9, alas-nuwebe ng umaga sa session hall ng Senado.

Bukod kay Lee, nakatakda ring ipatawag sina dating Vice President at dating Housing and Urban Development Coordinating Council Noli de Castro, dating HUDCC undersecretary Mary Antoinette Lucille Ortile.

Lahat ng opisyal ng Pag-IBIG na maaaring sangkot sa anomalya, pati na ang mga area at regional manager ng ahensiya na nakabase sa Pampanga ay ipapatawag din para sa pagdinig.

Nauna nang natuklasan ng Senado na pinayagan ng HUDCC sa ilalaim ng pamumuno ni De Castro ang pagpapatayo ng dalawang housing project sa Pampanga, partikular ang Xevera housing project sa halagang P56.6 bilyon.

Natuklasan din ng Senado na peke ang maraming pangalan sa beneficiaries list ng naturang housing projects, pati na ang mga dokumento at pirma ng ilang nag-housing loan umano para sa proyekto. Ernie Reyes

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply