DOF, BOC official sangkot sa smuggling network

HANGGANG ngayon pala ay alanganin pa si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Lito Alvarez na kasuhan ng plunder (pandarambong) o kahit man lang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang dating “hari” ng BOC na si Napoleon “Boy” Morales at ang iba pang mga alipores nito noong panahon ng panunungkulan nila sa ilalim ng Arroyo administration.

Ayon sa source natin sa BOC, santambak ang mga ebidensiya laban umano sa grupo nina Morales nguni’t tila walang balak si Alvarez na habulin ang mga ito nang sa gayon ay maibalik sa bayan ang sinasabing bilyun-bilyong pisong nawala sa kaban ng BOC noong panahon ni Morales.

Oo nga naman, bakit tila umurong ang bayag nitong si Alvarez para habulin itong grupo ni Morales?

Ito ba’y dahil nagkaroon sila ng pag-uusap bago pa man naupo si
Alvarez noong nakaraang buwan Hulyo?

Ano naman kaya ang maaari nilang pag-usapan?

Iyon ba ay may kinalaman sa isang “smuggling network” na iiwanan ni Morales sa kamay ni Alvarez? Ayon sa aking mga source, ang smuggling network na ito ay kinabibilangan ng mga appointees ni ex-president Gloria Arroyo at ng mga players sa loob ng lahat ng major ports sa ating bansa.

Isang NGO (non-government organization) na nakahandang makipagtulungan sana kay Alvarez noon pa man nang makaupo ito bilang Customs commissioner ang nagkumpirma sa atin hinggil sa sinasabing smuggling network ng mga bata ni GMA sa Bureau of Customs.

Ayon sa tumatayong secretary general ng naturang NGO, ang smuggling network ay umaabot hanggang sa tanggapan ng Department of Finance (DoF), ang mother unit ng BOC, kung santambak din ang mga appointees ni GMA.

Sabwatan ng mga opisyal ng BOC at DOF ang tunay na dahilan kung bakit hindi mahinto-hinto ang smuggling operations ng mga “players” sa loob ng Customs.  At kung paano nila pinaglalaruan ang gobyerno natin ay simpleng-simple lang – minamaniobra nila ang mga datos na nakalagay sa import forward manifests na ipinadadala ng mga international cargo shipping companies sa tanggapan ng BOC at DOF sa pamamagitan ng fax o e-mail messages.

Ang pagtanggap ng BOC at DOF sa naturang mga dokumento ay nagaganap sa loob ng 12-oras bago dumating ang mga international cargo ship sa mga major port natin.

Ibig sabihin, sa loob ng 12-oras ay kayang-kaya ng sindikato na remedyuhan ang daan-daang cargo manifests.

Pero hindi lamang sa BOC at DOF nagaganap ang dayaan. Puwede ring gawan ng remedyo ang dokumento ng mga maseselan na kargamento sa mga bansang tulad daw ng Singapore at Malaysia.

Kaya’t ang mga ipinararating na imported items mula sa Europe at Amerika ay karaniwan nang ipinadadaong muna ng mga biyahero sa Singapore at Malaysia para gawan ng remedyo ang mga dokumento nila bago tuluyang ibiyahe ang mga ito sa Pilipinas.

At pagdating dito sa atin ay nakatimbre na kaagad ang mga ito sa mga ganid na opisyal ng BOC at DOF kung kaya’t malayang nakalalabas ang mga ito sa ating mga pantalan.

Sa ganitong paraan naloloko ng sindikato ang ating pamahalaan ng may ilang taon na kung kaya’t palaging bagsak ang BOC na maabot ang kota nito sa buwis na kinakailangan ng ating bayan.

Ilang presidente na rin ang napaikot ng ganitong sistema at hindi malayong maging biktima rin dito si Pangulong Aquino dahil lingid din ito sa kanyang kaalaman.

Sa puntong ito, nakahanda ang NGO na makipag-ugnayan kay Pangulong Aquino upang talakayin ang iba’t ibang klase ng pandarayang ginagawa sa Bureau of Customs.

Maging si Commissioner Alvarez ay aminadong hindi kayang abutin ng tax quota nila kada buwan mula nang siya ay maupo noong Hulyo.

Paano hindi magkakagayon? Lahat na yata ng smugglers ay kaya siyang kausapin anumang oras.

Kung ano ang ibig kong sabihin dito ay tiyak ko na alam na ninyo!

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply