Dolphy, naka-aircon ang karosa sa 36th MMFF parade of stars

DAHIL nga masakitin at bawal makihalubilo sa maraming tao na maaaring makapagpalala sa kanyang mga karamdaman, naka-aircon ang karosa ni Dolphy sa Parade of Stars ng ika-36 na Metro Manila Film Festival Philippines noong bisperas ng Pasko.

Para nga siyang ang Papa ng Roma na pag bumibisita sa mga bansa at prumuprusisyon sa mga kalsada ay nakasilid sa isang sasakyang nababalutan ng plastic at aircon ang loob para makaligtas sa anumang kontaminasyon at panganib sa kanyang buhay.

Pinayuhan na kasi si Dolphy ng kanyang doktor na umiwas na sa matataong lugar tulad ng malls pero sa pagkakataong ito, kailangang makihalubilo siya sa makapal na tao para maibenta ang kanyang pelikulang “Father Jejemon” dahil ang kanyang presensiya sa balana ay katumbas ang promosyon at pagtitinda ng kanyang produktong pelikula.

Kaya nagpasadya pa ang RVQ Productions ng sariling float na may aircon at doon nakaistar ang Hari ng Komedya at kakaway-kaway sa mga taong nanonood sa kanya.

Kaya lang, hindi na bumaba si Dolphy sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta, ang parehong lugar kung saan naganap ang hostage na ginawa ng retiradong pulis na si Rolando Mendoza at pinagbarilan sa kanya at pagpatay rin niya sa ilang turistang Tsino noong Agosto.

***

Presente si Kris Aquino para ipagsigawan sa buong mundo ang kanyang pelikulang “Dalaw” ng Star Cinema kasama si Diether Ocampo.

Nasa karosa rin ang mga anak ni Kris na sina Bimby, dating kilala sa tawag na Baby James, anak ng aktres kay James Yap at Joshua Aquino, ang panganay ni Aquino kay Phillip Salvador.

Tuwang-tuwa si Phillip nang makausap namin sa Christmas party ng Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon o KAPPT, kilala rin sa tawag na Actors Guild.

“Kumpleto na ang Pasko ko. Nakasama ko just a few days ago si Joshua and we talked a lot. Maagang pamasko na ‘yon sa akin,” pahayag ni Salvador na siya namang nanguna sa Paskuhan ng mga bituin sa Mowelfund Plaza kamakailan.

Sa talumpati ni Kris sa entablado ng Quirino Grandstand, sinabi niyang lalo pang uunlad ang buhay ng mga Filipino at ang industriya ng pelikulang Filipino sa 2011 sa pamumuno ng kanyang kuyang si Nonoy Aquino.

***

Samantala, napagkamalang si Karylle si Chanel Latorre, ang bida sa “Rindido” ng independent filmmaker na si Noriel Jarito.

Ang “Rindido” ay isa sa limang pelikulang napili ng selection committee ng 2010 MMFFP para kumumpleto sa apat pang digital film sa indie section ng pestibal na kinabibilangan din ng “Senior Year” ni Jerrold Tarog, “Slow Fade” ni Rommel Sales, “Presa” ni Adolf Alix, Jr. At “Nasaan si Hefte?” ni Jonnah Lim.

Sinabi ni Chanel na ang katabi pa naman niya sa float ay ang bagong aktor na kamukha ni Jake Cuenca kaya pareho silang sinisigawan ng mga tao ng Karylle at Jake pero deadma lang sila.

“Natutuwa naman po ako at nakasama ako sa parade. It’s an honor for me. Kahit na hindi kami natawag sa stage para sa interbyu at endorsement, okey lang po. Si Aling Anita Linda lang ng ‘Presa’ ang nakapagsalita sa stage,” pagtatapat ni Chanel.

Ayaw nang pasamain ng triumvirate na sina filmmaker at aktor na Noriel Jarito, Gerry Jumawan at Vic Tiro ang kanilang loob dahil hindi sila natawag sa entablado.

Hindi naman sa self-pity dahil sila ay nasa digital films at wala sa 35mm kundi inuunawa na lang ang mga pangyayari. “Siguro, kung may coordinator para appearance ng indie filmmakers and actors, makakasama kami. Pero okey lang. Kulang na siguro sa oras,” depensa ni Jarito sa pag-iisip ng gano’n.

***

Nakahanda naman si Yul Servo sa labanan sa awards night na ginanap sa Meralco Theater noong ika-26 ng Disyembre, 2010.

“I did my best sa ‘Rosario’ and I’m proud of my role. Preparado na ako sa anuman ang resulta ng laban. But I did my very best,” pagdidiin ng bituing pulitiko.

Sa backstage din nagbihis si Yul ng kanyang 1940s na kostyum.

Ang ginawa ng kanyang mga alalay ay tinabingan na lang siya ng malapad na kumot o tela para makapagpalit ang aktor ng kanyang period attire at makapagsuot ng kontemporaryong damit bago lumabas ng Quirino Grandstand.

Ang guwapu-guwapo naman ni Diether at talagang pinagkaguluhan siya ng mga taong nakabantay sa likod ng Grandstand.

Huli na ring umalis ang totoong Karylle at hindi nakisabay si Chanel.

Nang palabas na si Latorre sa backstage ay nagtakip siya ng damit para hindi masira ang ilusyon ng mga tao na siya ay hindi si Karylle. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply