Ex-Pagcor exec Butch Francisco tumalon sa kampo ng PDP-LABAN; raket ng mga teacher sa Cavite

LUMUNDAG na raw sa kampo ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) itong si Butch Francisco, ang dating presidente ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at super-milyonaryong anak ng Pasay City, matapos makailang ulit na nagpalipat-lipat sa kung anu-anong partido-pulitika bago maganap ang national elections noong Mayo nitong taon.

Ang pagsali ni Francisco sa naturang partido ay kinumpirma sa akin ng isang katoto na malapit sa kampo ni Vice President Jejomar Binay, ang national chairman ng PDP-Laban.

Ginanap ang oath-taking ceremony para kay Francisco at iba pang mga pulitiko nitong nakaraang Nobyembre 25 sa Club Filipino restaurant sa Greenhills, San Juan.

Noong panahon ng eleksyon, marami daw biniyayaan sa Pasay City itong si Butch Francisco. Marami daw ang nalula sa isinabog niyang mga grasya lalo na nang sabihin niya na siya’y sasabak sa congressional race sa lungsod.

Pero di nagtagal, biglang umatras sa hindi malamang dahilan itong si Butch Francisco. Iyan ay kahit pa nagka-gastos na siya ng ilang milyong piso. Tanong tuloy ng karamihan sa Pasay City kung saan nanggaling ang mga ginastos niya sa pamumulitika sa lungsod.

Balik tayo sa nasabing okasyon sa Club Filipino. Ayon sa katoto ko, hinirang daw agad si Francisco bilang chairman ng finance committee ng naturang partido. Wala raw pumalag o kumuwestiyon man lang sa pagkakatalaga sa kanya para sa nasabing komite.

‘Ika raw ng mga miyembro ng partido na dumalo sa okasyon, tunay na “asset” daw itong si Ginoong Francisco at magaling magpatakbo ng pondo kaya’t dapat lang na pamunuan niya ang naturang komite. Ha, ha, ha!

Baka nakakalimutan ng mga miyembro ng PDP-Laban na si Butch Francisco, kasama ng kanyang ka-tandem noon na si Efraim Genuino, ang dating chairman ng Pagcor, ay kapwa tinutumbok ng mga imbestigasyon kaugnay sa samut-saring mga anomalyang naganap sa Pagcor noong sila pa ang mga hari sa ahensiyang ito?

Nasilip ang mga anomalya nang tumuntong sa Pagcor ang mga appointed officials ni idol PNoy!

Malakas ang dalawang ito noong panahon ni Gloria Arroyo, na para sa akin ay pinaka-walang kuwentang naging pangulo ng pinakamamahal kong Pilipinas.

Totoo ba na kaya daw sumiksik itong si Francisco sa PDP-Laban ay dahil naghahanap siya ng padrino bilang proteksyon sa mga posibleng ikakaso laban sa kanilang dalawa ni Genuino ng Aquino administration?

oOo

Marami na akong natatanggap na reklamo laban sa mga public school teachers diyan sa Cavite na mahilig manraket o “mandugas” daw sa kanilang mga estudyante lalo na sa elementary level.

Sapilitang pagbebenta ng mga kendi sa mga estudyante ang ginagawang “raket” ng damuhong mga teacher. At iyon ay sarili daw nilang paninda. “Tollgate” ang tawag ng mga kumag raket nilang ito.

Inu-obliga ng mga guro ang mga batang estudyante na bilhin hanggang sa maubos ang kanilang paninda. Dahil kung hindi, tiyak na mapaparusahan o hindi agad pauuwiin ang kawawang mag-aaral na wala namang maipambili.

Hindi ba’t ipinagbawal na ito ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Health (DoH) dahil walang maidudulot na mabuti sa katawan ng mga bata ang kahit anumang kendi?

Katuwiran daw ng mga manggagantsong guro: Dehins daw sapat ang pondong ibinibigay sa kanila ng DepEd.
Ganon?

Ilang eskuwelahan ang isinumbong na sa akin pero uunahin ko muna itong NIOG ELEMENTARY SCHOOL sa Bacoor, Cavite – lugar pa mismo ni Mayor Edwin “Strike” Revilla!

Abusado raw ang ilang mga teachers dito. Ultimo test papers na pawang xerox copy lang ay pinagkakakitaan pa mula sa bulsa ng mga kawawang estudyante. Alam ba ito ng principal ng nasabing eskuwelahan?

Galit ako sa ganitong sistema. Abangan n’yo pa ang mga susunod!

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

Basahin ang buong artikulo sa www.remate.ph. Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply