Fantasy, family at horror films, box office hit sa 2010 MMFF

TULAD nang dapat asahan, nangunguna pa rin sa labanan sa takilya ang pelikulang “Si Agimat at si Enteng Kabisote” ng pinagtulungang produksyon ng GMA Films, M-Zet Film Productions, APT Entertainment, OctoArts Films at Imus Productions sa pangunguna ni Ramon “Bong” Revilla, Jr. at Vic Sotto.

Ito ay ayon sa mga pamunuan ng mga sinehan ng tatlong malalaking malls sa Kamaynilaan bagamat hindi pa ito ang opisyal na resulta.

Ito ay batay pa rin sa pagtatanghal sa unang araw ng pagpapalabas ng walong opisyal na kalahok na pelikulang 35mm sa mga sinehan tulad ng kina Ramon at Vic, ng “Dalaw” ng Star Cinema at Cine Media sa pangunguna nina Kris Aquino at Diether Ocampo, ng “Father Jejemon” ng RVQ Productions na pinagbibidahan ni Dolphy, ng “RPG: Metanoia” ng ABS-CBN Film Productions at Ambient Media, ng “Rosario” ng Cinemabuhay at Studio 5, ng “Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na ‘To)” ng Star Cinema, ng “Shake, Rattle and Roll XII” ng Regal Films at “Si Super Inday and the Golden Bibe” ng Regal Entertainment.

Mula sa mga sinehan sa SM North EDSA, sa Gateway sa Cubao, sa SM Megamall ay ang obra nina Bong at Vic ang nangunguna.

Hindi nag-atubili ang takilyera ng Gateway na ipingalandakan sa buong kapuluan na number one ang palabas nina Revilla at Sotto.

***

Sinabi ng babaing nagbebenta ng tiket sa box-office ng Gateway cinemas, pumapangalawa sa unang araw ng pagtatanghal ang “Dalaw” at pumapangatlo naman ang “Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na ‘To).”

“’Yan lang po muna ang maibibigay ko. Kasi, ‘yong iba, hindi pa official. Pero maliwanag po na ‘yang tatlong ‘yan ang first three,” pahayag ng binibini sa takilya.

Pero halos lahat naman anya ng mga sinehan ay kumikita ang mga lokal na pelikula kaya naman natutuwa ang theatre business sa kaganapang ito.

Kumpleto ang representasyon ng mga pelikula sa malalaking mall tulad ng Gateway at Ali Mall na talagang dinadayo ng mga manonood mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

***

Sa bandang SM North EDSA naman ay pareho lang ang pagkakasunud-sunod ng mga pelikulang kumikita bagamat sumisingit ang “Shake, Rattle and Roll XII” sa pangatlong puwesto.

Pero kitang-kita pa rin ang pangingibabaw nina Bong at Bossing Vic sa tunggalian sa paramihan ng mga manonood dahil ang kanilang pelikula ay For General Patronage.

Wala ring patumangga at kampante ang obra ni Ai Ai de las Alas sa pagsunod kina Revilla at Sotto gayundin ang pag-ariba ni Kris Aquino sa paramihan ng mga tagatangkilik ng kanyang pagtatanghal.

Sinabi ng mga taga-sinehan ng SM North EDSA kabilang na ang The Block na mas maraming bata na may kasamang matatanda ang mga parukyano ng kanilang mga sinehan.

***

Samantala, kung ilarawan naman ng isang takilyera sa SM Megamall Cinemas ang labanan ay nangunguna ang mga ito ayon sa genre.

“A, ano po, ang mga nangunguna ay fantasy, ikalawa ay family entertainment at horror dito naman po sa amin,” pahayag ng babaing nagtitinda ng tiket.

Ganito rin ang paglalahad ng isa sa may pinakamataas na posisyon sa cinema management ng SM Megamall. “I can’t divulge po the exact figures and the titles of the films which are leading the box-office. Hindi po talaga puwede. Bastat by genre lang po ang gauge namin. Like, nangunguna ang mga fantasy, family oriented films at horror,” paliwanag ni Aldrin Gatlabayan ng pangasiwaan ng Megamall cinemas.

Kaya nga kung ilalapat ang mga pamantayan sa sinabi ni Gatlabayan, “Ang Agimat ni Enteng Kabisote” rin ang number one sa kanilang teritoryo samantalang sumusunod ang pelikula ni Ai Ai o maging ang obra ni Dolphy sa family-oriented na pananaw at sa horror naman ay ang pinagbibidahan ni Kris o ang may smorgasbord na cast na katatakutan mula sa Regal Entertainment.

***

Nang may makasabay kaming sekyu na may hawak ng iskedyul ng mga pelikulang palabas sa bawat araw sa Megamall, ipinagtapat niyang nangunguna nga sina Bong at Vic, pumapangalawa ang kay Ai Ai at pumapangatlo ang kay Kris pero humahabol naman ang suspense mula kay Mother Lily Monteverde.

Batay rin sa bilang ng mga sinehang pinagtatanghalan sa unang araw ng palabas, tatlo ang sinehan ng kina Vic at Bong samantalang dalawa ang nakalaan para kay de la Alas at tig-iisa ang sa mga natitirang kalahok.

Samantala, sa Enero naman ay magpupukpukan ang pagpapalabas ng limang opisyal na digital films na kasali sa 36th Metro Manila Film Festival Philippines tulad ng “Senior Year” ni Jerrold Tarog, “Presa” ni Adolf Alix, Jr., “Slow Fade” ni Rommel Sales, “Nasaan si Hefte?” ni Jonnah Lim at “Rindido” ni Noriel Jarito. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply