Gag order, pinalabas kaugnay sa kaso ni Garcia

NAGLABAS nitong Miyerkules ng gag order ang Sandiganbayan para sa mga special prosecutor ng Office of the Ombudsman at lahat ng mga partidong sangkot sa kontrobersiyal na plunder case ni retired Gen. Carlos Garcia, dating Armed Forces comptroller.

Ayon kay deputy special prosecutor Jesus Micael, binawalan sila ng anti-graft court na magsalita o magbigay ng komento sa media hinggil sa kaso.

Hindi rin umano sila mag-iisyu ng kahit anong press releases o magpapaunlak sa anumang interbyu.

Kahit umano magkomento o magbigay ng opinyon hinggil sa kaso “pending the promulgation of the decision herein” ay bawal na rin sa kanila.

Nitong Miyerkules sana ng hapon nakatakda ang isang press conference ng Ombudsman para ipaliwanag ang kanilang panig sa kinikuwestyong plea bargain agreement sa kaso ng heneral.

Ngunit dahil sa gag order, di natuloy ang pulong-balitaan.

Matatandaang pinagbigyan ng Sandiganbayan ang kahilingan ng mga government lawyer na huwag munang ituloy ang promulgasyon sa kontrobersiyal na plea bargain deal sa kaso ni Garcia.

Ilang oras bago ang hearing, nanawagan sa Sandiganbayan si Solicitor General Jose Anselmo Cadiz na kailangan nila ng sapat na panahon para paghandaan ang ihahaing motion to intervene sa kaso,.

Dahil dito, umapela sila sa anti-graft court na huwag munang ituloy ang pagbaba ng desisyon.

Ani Cadiz, idudulog nila sa Supreme Court ang kanilang kahilingan sakaling hindi ito pagbibigyan ng anti-graft court. Nenet L. Villafania

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply