GANTI (Ika-42 labas)

“KULANG lang kayo sa karga kaya kung ano-ano ang pumapasok sa inyong isipan. Bakit hindi tayo uminom tapos ay tumira tayo ng droga?” nakangising suhestiyon ni Patrick.

“Palagay ko’y tama ka, pare,” ayon naman ni Bart sabay thumbs-up.

“Kung gayu’y ano pa ang inyong hinihintay? Tawagan na ninyo ang kontak natin,” sabi naman ni Drigo. Walang sinayang na sandali si Morgan.

Noon din ay tinawagan sa pamamagitan ng cellphone ang kilala nilang tulak ng shabu at cocaine.

Para hindi mainip, nag-inuman muna sila.

Iba ang gusto nilang pag-usapan pero biglang nalipat sa babaeng sleepwalker na kanilang biniktima.

“Enjoy na enjoy ako habang ginagalaw ang  babaeng iyon pero pagkatapos, hindi na ako napanatag ang loob ko,” sabi ni James.

“Ako rin!” ayon naman ni Bart.

“Hindi kaya may kapamilya siya na mangkukulam at siya ang hindi magpatahimik sa atin?” tanong ni James.

“Moderno na ang panahon ngayon. Hindi na uso ang kulam,” kontra ni Patrick.

“Pero hindi ba’t kamakailan lang,  may namatay dahil sa pagsusuka ng mga thumbtacks at maliliit na pako?” sabi ni Bart.

“Tama! Meron pa ngang nilabasan ng insekto sa bibig at kinain ng anay ang buong katawan hanggang sa mamatay,” sabi naman ni Jordan.

“Ang huli kong natatandaan na naging biktima ng kulam ay isang lalaki na tinubuan ng kahoy sa likod pero walang balita kung namatay siya o nabuhay,” dagdag pa ni James.

Biglang natahimik ang grupo.

“Huwag ninyong sabihin na may kumukulam sa atin ngayon?” nakangising tanong ni Patrick. “Sino kaya sa atin ang susuka ng maliliit na pako at thumbtacks, lalabasan ng insekto sa bibig, kakainin ng anay ang katawan, tutubuan ng kahoy sa likod, maliligo ng gasolina tapos ay sisindihan ang sarili at iba pa?”

“Pulos kayo kalokohan! Tigilan nga ninyo ang ganyang usapan. Kinikilabutan ako!” yakap ang sarili na sabi ni James.

“Lumitaw din ang kaduwagan mo, ulol!” tumatawang sabi ng una.

Naputol ang kanilang usapan ng dumating ang kontak nila sa droga.

Dala na ang kanilang inorder.

Pero sinisingil sila ng twenty thousand.

“Basta’t okey ang dala mo, hindi natin pag-uusapan ang presyo, pare. Pero oras na sablay ito, huwag ka nang magkakamaling magpakita sa amin dahil tiyak na may paglalagyan ka,” banta ni Morgan.

“Bakit ko naman gagawin iyon? Di nawalan ako ng good costumer!” nakangiting sagot naman ng tulak.

Matapos makuha ang bayad ay umalis na ito.

Sinimulan na naman ng grupo ang paggamit sa ipinagbabawal na gamot.

Sa mga sandaling iyon, handa nang ihatid sa huling hantungan ang labi ni Rowena.

Pero bago siya inilabas sa funeral home, binuksan muna ang  kanyang kabaong.

Isa-isang naglapitan ang mga kaanak at humalik sa labi ng babae bilang pamamaalam.

Pinakahuling lumapit si Bogart.

Hinalikan sa pisngi ang asawa …

At bago muling pinasarahan ang kabaong, sinubukan niyang buksan ang talukap ng mga mata ni Rowena.

Marunong na rin siya ng witchcraft kaya tiningnan niya sa mga mata ng asawa kung nakarehistro  rito ang mga mukha ng mga rapist.

Nagtiim ang mga bagang ni Bogart sa napatunayan.

Muli niyang ipinasara ang takip ng kabaong.

Ilang kaanak ang magkakatulong na bumuhat para ilabas ito at isakay sa karo ng patay.

Makalipas ang ilang saglit at nagsimula na ang funeral march para ihatid sa kanyang huling hantungan ang labi ni  Rowena. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply