GANTI (Ika-43 labas)

SA mga sandaling iyon, bangag na ang tropa ni Patrick.

Maingay na.

Binura na ng droga ang nararamdaman nilang kaba.

Hiram na  tapang na ang pumalit …

Nagkaisa sila na lumabas …

Gigimik …

Maghahasik na naman ng lagim.

Sumakay ang tropa sa SUV ni Jordan.

Mabilis itong sumibad sa lansangan pero biglang bumagal dahil sa humarang na funeral march sa unahan.

Nayamot ang grupo dahil sa pagkaistorbo ng kanilang lakad.

“Shit! Kung kailan tayo nagmamadali, saka naman dumaan ito,” inis na sabi ni Jordan.

“Businahan mo. Kapag hindi sila nagbigay ng daan, sagasaan mo,” utos naman ni Patrick.

Nagrebolusyon at malakas na bumusina ang una sa tila walang katapusang funeral procession.

Ang kawalan nila ng respeto sa yumao ay umagaw ng pansin ni Bogart.

Inutusan niya ang mga sumama sa libing na palampasin ang nag-aapurang sasakyan.

Nakabukas ang bintana ng SUV kaya nakita ng una ang anim na bangag na nakasakay nang tumawid ang kanilang sasakyan sa hanay ng mga tao.

Biglang naalaala ni Bogart ang larawan ng anim na rapist na nakita niya sa mga mata ng ng yumaong asawa.

Ang mga palalo na nakasakay sa SUV.

Kumulo ang dugo ng una sa galit nang makilala ang mga salarin.

Mabilis namang sumibad ang kanilang sasakyan nang makalampas sa funeral procession.

“Malapit na kayong magbayad,” sabi ni Bogart habang hatid ng tanaw ang palayong SUV. Magpakasawa na kayo sa paglilibang dahil iyan na ang huli.”

Nagpatuloy na ang funeral march.

Hanggang sa makarating sila sa Marikina Memorial Park.

“Kilala ko na ang mga salarin,” mahinang sabi ni Bogart kay Helen habang nakatayo sila sa tabi ng hukay kung saa’y marahang ibinababa ang kabaong ng asawa.

“Sino, kuya?” tanong ng dalagita.

“Ang mga walang galang na nagpilit makalusot sa funeral march ni Rowena. Magbabayad sila ng mahal sa ginawa nila sa aking asawa,” gigil na sabi ng lalaki.

Hindi pa ganap na hinog ang kaisipan pero mas naging makatwiran si Helen kaysa kay Bogart.

“May higit na dapat managot sa kasalanang nagawa nila. Nagamit lang sila bilang instrumento para sugatan ng malalim ang iyong damdamin, kuya,” sabi ng dalagita.

“Si Aling Dolores, sisingilin ko siya ng mahal!” galit na sabi ni Bogart.

“Tama ka, kuya. Pero hindi ka dapat magpadalos-dalos. Makapangyarihan siya … sanay na at bihasa. Kung hindi ka gagamit ng utak, matatalo ka!”

Napaunat sa pagkakatayo si Bogart.

“Ano ang maipapayo mo sa akin na magandang gawin?” tanong ng lalaki kay Helen.

“Lilikha tayo ng mga kaaway ni Aling Dolores,” nakangiting sagot ng dalagita.

“Hindi ko makuha ang ibig mong sabihin,” kunot-noong tanong ni Bogart.

Hinawakan ni Helen sa braso ang lalaki at hiniling na magbaba ng ulo …

Ibinulong niya sa una ang naisip niyang plano.

Napatango-tango si Bogart …

Gumuhit sa mga labi niya ang makamandag na ngiti.

Natapos ilibing si Rowena …

Isa-isa nang nag-alisan ang mga nakipaglibing.

Pamilya na lang ni Bogart ang naiwan. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply